Home NATIONWIDE PBBM: Suplay ng bigas sa Pinas sapat sa gitna ng El Niño

PBBM: Suplay ng bigas sa Pinas sapat sa gitna ng El Niño

MANILA, Philippines- Tiniyak ni Pangulong Ferdinand ”Bongbong” Marcos Jr. nitong Martes sa publiko na may sapat na suplay ng bigas sa bansa sa kabila ng El Niño phenomenon. 

Sa isang ambush interview, inihayag ni Marcos na ginawa itong posible ng bagong farming techniques at pinahusay na irrigation system na pinairal ng pamahalaan.

“Well, kung ang pag-uusapan natin ay bigas, sapat naman ang ating supply. Hindi kailangang mag-alala ang tao. Sa katotohanan, ‘yung mga area na may patubig, tumaas pa ‘yung ating naging ani, ‘yung tons per hectare natin,” wika ni Marcos. 

“Pero siyempre, marami pa. Kagaya dito, siguro mga 50 porsyento lamang ang irrigated at so, ‘yung iba talagang nahihirapan. Dito sa Occidental Mindoro, ang calculation namin, one percent lamang nung mga irrigated lands ang naapektuhan ng El Niño na talagang kailangan ng tulong,” patuloy niya.

Ayon pa sa Pangulo, nagtatayo ang pamahalaan ng mga dam at impounding ponds upang matiyak ang malagong agricultural production. 

Sinabi ng National Irrigation Administration na kabilang sa tulong sa El Niño-affected areas sa lalawigan ang deployment ng tatlong bagong long-arm backhoes at isang wheel-type backhoe sa lahat ng apektadong lugar, na nangangailangan ng agarang canal clearing at desilting works.

Halos 1,200 litro ng diesel fuel din ang ipinamahagi sa mga magsasakang apektado ng tagtuyot upang dagdagan ang fuel requirement para sa diesel-powered water pumps bukod pa sa 68 solar, diesel at water-powered pumps na ikinabit para sa irigasyon ng 274 ektarya ng palayan. RNT/SA