Home NATIONWIDE PBBM, tuloy-tuloy trabaho sa gitna ng sama ng panahon – Malakanyang

PBBM, tuloy-tuloy trabaho sa gitna ng sama ng panahon – Malakanyang

3
0

MANILA, Philippines – Tuloy-tuloy ang trabaho ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ngayong araw sa gitna ng sama ng panahon sa maraming bahagi ng bansa.

Sa katunayan, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, umaga ngayong araw ng Lunes, Agosto 17, personal na binisita ng Pangulo ang Baslay Highland Agriculture o BASHACO sa Negros Oriental na pinamamahalaan ang 487.55 ektarya ng forestland sa ilalim ng Community-Based Forest Management Agreement o CBFMA.

Sa tala noong Abril, mayroong 1,293 na aktibong CBFMA na nakakatulong sa 167,543 members ng people’s organization o mga POS.

Sa administrasyon ni Pangulong Marcos, umabot sa 7,645.61 hectares ng kagubatan ang naipaayos ng pamahalaan. Aabot sa 50 na POS ang nakatanggap ng tulong pinansyal at 14,460 trabaho ang naibigay sa ilalim ng programa.

Samantala, nagpasalamat naman si Pangulong Marcos Jr. sa BASHACO sa patuloy na pangangalaga sa kapaligiran kasabay ng pag-unlad ng sektor ng agrikultura at pagpapalago ng mga lokal na produkto.

Pangunahing produkto ng BASHACO ay kape kung saan umaabot ang kanilang produksiyon sa 30,000 kilograms sa isang taon.

Bilang suporta sa BASHACO, ipinatayo ng pamahalaan ang dalawang agricultural greenhouses sa ilalim ng Farm and Fisheries Clustering and Consolidation Program.

Sa kabilang dako, ngayong araw pa rin ng Lunes ay nakatakda namang pangunahan ng Pangulo ang Bawat Bayan Makikinabang Program sa Negros Oriental. Inaasahang mamamahagi ang Pangulo ng tigsampung kilong bigas sa 2,230 beneficiaries mula sa mga barangay Talay at Cantil-e ng Dumaguete City, sa ilalim ng Bagong Pilipinas Rice Program na bahagi ng Local Government Support Fund o LGSF ng pamahalaan.

“Kailangang buong sampung kilo ang makukuha ng bawat beneficiary — hindi bawas, hindi kulang kung hindi buong sampung kilo. Kung makakuha ng hindi buong sampung kilong bigas, agad na i-report ang insidente sa Office of the President o dito mismo sa PCO,” ani Castro.

Libre lang din aniya ang ayudang ito ng pamahalaan, ibig sabihin, aniya ay walang sinisingil na bayad ang gobyerno sa bigas o sa tulong na ibinibigay sa mga beneficiaries. Target ng Pangulo na mabigyan ang 386,673 beneficiaries sa buong Negros Oriental.

Sa pinakahuling tala ng pamahalaan, umabot na sa 1,281 local government units ang nakatanggap ng financial assistance sa ilalim ng Bagong Pilipinas Rice Program.

Inaasahan din ani Castro na makikinabang ang 2,785 presidential scholars sa buong Negros Oriental sa ilalim naman ng Socio-Civic Projects Fund o SCPF. Sa pinakahuling datos, umabot na sa 38,279 barangays ang napagkalooban ng SCPF sa buong bansa. Sa kabuuan, nakapagbigay na ang pamahalaan ng 7.66 billion pesos. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here