Home HOME BANNER STORY PBBM up, VP Sara down sa performance rating ng OCTA

PBBM up, VP Sara down sa performance rating ng OCTA

161
0

MANILA, Philippines – TINATAYANG may 55% ng mga adult Filipino ang nagpahayag ng kasiyahan sa naging performance ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa first quarter ng 2026, habang mas kaunti naman ang nasiyahan kay Vice President Sara Duterte, makikita ito sa resulta ng non-commissioned survey ng OCTA Research.

Base sa survey na isinagawa noong Marso 19 hanggang 25, 2026, ang performance rating ni Pangulong MArcos ay nag-improve ng 4 percentage points sa 55%, mula sa 51% na naitala sa fourth quarter ng 2025.

Ang performance ratings ni Pangulong Marcos ay umabot sa majority levels sa lahat ng mga rehiyon, pinakamataas sa Balance Luzon sa 57%; Visayas, 56%, at ang pimakamababa naman sa National Capital Region (NCR) na may 53% at Mindanao, 51%.

Sa socioeconomic class, ang performance rating ni Pangulong Marcos sa hanay ng Class ABC at Class D respondents ay 56%, habang 48% naman sa hanay ng Class E.

Mayroon namang 26% ng mga adult Filipino, ang nagpahayag ng dissatisfaction sa performance ni Pangulong Marcos habang 19% ang undecided.

Pinakamataas na dissatisfaction sa Mindanao na may 37%, at mula 26% hanggang 28% sa lahat ng socioeconomic classes.

Umakyat naman ng 6 na puntos ang trust rating ng Pangulo dahil mula sa 48% na naitala sa last quarter noong nakaraang taon ay naging 54%.

Ukol naman sa majority trust ratings ni Pangulong Marcos sa karamihan sa mga rehiyon, pinakamataas sa Balance Luzon, 59%, at ang pinakamababa ay sa Mindanao, 45%.

Ang tiwala pa rin sa Pangulo ay pinakamataas sa hanay ng Class D respondents, 55%; sinundan ng Class ABC, 52%, at Class E na may 49%.

Sa kabilang dako, may 30% ng mga adult Filipino ang nagpahayag naman ng kawalan ng tiwala kay Pangulong Marcos, pinakamataas sa Mindanao na may 45% at pinakamababa naman sa Balance Luzon na may 22%.

Para naman sa socioeconomic classes, ang kawalan ng tiwala ay pinakamataas sa Class ABC, 39%, kumpara sa 28% sa Class D at 29% sa Class E.

Samantala, ang performance rating naman ni VP Sara ay bumaba ng 4 na puntos, naging 50% mula sa 54% na naitala sa fourth quarter ng 2025. Ito, magkagayon man ay nananatiling nasa majority levels.

Naitala naman ni VP Sara ang pinakamataas na performance rating sa Mindanao na may 83%, habang ang pinakamababa sa Balance Luzon na may 35%, sinundan ng NCR na may 37%.

Sa socioeconomic class, ang performance ratings ni VP Sara ay pinakamataas sa Class E respondents na may 59%, at ang pinakamababa sa hanay ng Class D na may 48%, sinundan ng Class ABC na may 53%

May 28% naman ang nagpahayag ng dissatisfaction sa performance ni VP Sara , pinakamataas sa Balance Luzon, 41% at 40% sa NCR, kumpara sa 18% sa Visayas at 1% sa Mindanao.

Ang Dissatisfaction ay mas mataas sa Class ABC (34%) at Class D (28%), kumpara sa Class E (16%). Tinatayang may 22% ang undecided sa kanyang performance.

Napanatili naman ni VP Sara ang majority trust sa hanay ng mga adult Filipino, kung saan ang trust rating ay tumaas ng dalawang puntos, naging 55% mula sa 53%.

Gayunman, sinabi ng OCTA, na ang bahagyang pagbabagong ito na ±3% margin of error sa survey ay maaaring bigyang kahulugan bilang “statistically unchanged.”

Ang trust ratings ni VP Sara ay pinakamataas sa Mindanao na may 90%, at pinakamababa naman sa NCR at Balance Luzon, kapuwa 40%.

Para sa socioeconomic classes, ang trust ratings ni VP sara ay pinakamataas sa hanay ng Class E na may 65%, at ang pinakamababa sa hanay ng Class D respondents na may 54%, sumunod ang Class ABC na may 55%.

Taliwas dito, may 26% ng mga adult Filipino ang nagpahayag ng kawalan ng tiwala kay VP Sara, pinakamataas sa NCR na may 42% at Balance Luzon na may 39%, kumpara sa 15% sa Visayas at 0% sa Mindanao.

Ang kawalan ng tiwala ay pinakamataas sa hanay ng Class ABC respondents na may 35%. Mayroong 19% ang undecided ukol sa ‘pagiging mapagkakatiwalaan’ si VP Sara.

Sinabi ni OCTA Research fellow Professor Ranjit Rye sa isang panayam na ang survey ay isinagawa sa unang yugto ng labanan sa Gitnang Silangan at nagkataon sa pagkilos sa impeachment laban kay VP Sara.

“Bumaba ang performance rating ng ating Vice President. Hindi ho natin alam kung dahil ito sa mga pangyayari gaya ng… ‘yung impeachment process na-capture ng survey na ‘to, ‘yung unang nag-file ng case against her. Hindi natin alam kung may epekto ‘yun,” ang sinabi ni Rye.

“Hindi rin natin alam syempre ang epekto nung nangyayari sa Gulf. Syempre mas nakita si Presidente, nagbibigay ng ayuda, gumagawa ng aksyon. So baka iba rin ang perceptions ng ating mga kababayan,” dagdag na pahayag nito.

Ang OCTA survey, gumamit ng face-to-face interviews, ay base sa sample ng 1,200 respondents na may edad na 18 at pataas.

Mayroon itong ±3% margin of error na may 95% confidence level.

May pagtatantya sa subnational para sa geographic areas, habang may margins of error na ±6% para sa Metro Manila, Balance Luzon, Visayas, at Mindanao na may 95% confidence level. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here