MANILA, Philippines – Nagpahayag ng pangamba ang ilang mambabatas kaugnay sa planong paglipat ng Department of Education (DepEd) sa three-term school calendar simula School Year 2026–2027, dahil sa posibleng kakulangan sa oras ng pagtuturo, limitadong buffer days, at hindi pa malinaw na learning targets.
Sa isang pagdinig ng House Committee on Basic Education and Culture na pinamumunuan ni Pasig Rep. Roman Romulo, kinuwestyon ng mga kongresista kung paano haharapin ng DepEd ang mga aberya gaya ng biglaang suspensyon ng klase dulot ng pabago-bagong panahon.
Binigyang-diin ni Romulo ang kahalagahan ng pagkakaroon ng sapat na allowance sa iskedyul.
“Paano kung magkaroon ng mga araw na walang pasok? Kung masyadong dikit-dikit ang schedule, baka hindi makumpleto ang mga aralin. Kawawa ang mga bata,” aniya.
Ipinaliwanag naman ni DepEd Assistant Secretary Janir Datukan na may sinusunod ang mga guro na tinatawag na “budget of work,” kung saan inaayos nila ang pagtuturo batay sa oras na available. Gayunman, inamin niyang kailangan pang plantsahin ang ilang detalye ng implementasyon.
Isa rin sa mga isyung lumutang ay ang tila hindi tugmang bilang ng instructional days. Batay sa presentasyon ng DepEd, umaabot lamang ito sa 172 araw, kulang sa karaniwang 180 araw na requirement.
“I think you should clarify that,” giit ni Romulo, sabay hiling na repasuhin ng ahensya ang kanilang datos.
Depensa naman ng DepEd, bahagi ang three-term calendar ng mas malawak na reporma sa edukasyon, kabilang ang pag-update ng assessment systems at paggamit ng flexible learning strategies.
Layunin umano nitong magbigay ng mas mahahabang tuloy-tuloy na panahon ng pag-aaral, mabawasan ang disruptions, at mapabuti ang pacing ng pagtuturo.
Gayunpaman, iginiit ng mga mambabatas na kailangan pa ng mas malinaw na polisiya, maayos na datos, at konkretong contingency measures bago ito tuluyang ipatupad.
Inatasan ng komite ang DepEd na magsumite ng karagdagang detalye hinggil sa instructional time, learning competencies, at remediation plans upang matiyak na matutugunan ang learning gaps nang hindi nabibigatan ang mga paaralan.
Sa naunang ulat ng DepEd, lumabas na aabot sa 53 araw mula sa 180 school days noong School Year 2023–2024 ang nawala dahil sa masamang panahon at iba pang non-instructional activities na nagresulta sa siksikang leksyon at kakulangan sa oras ng pagkatuto.
Sa ilalim ng panukalang kalendaryo, magsisimula ang klase sa Hunyo. Hahatiin ang school year sa tatlong termino: Hunyo hanggang Setyembre, Setyembre hanggang Disyembre, at Enero hanggang huling bahagi ng Marso.
Bawat termino ay magkakaroon ng humigit-kumulang 54 hanggang 61 araw ng tuloy-tuloy na pagtuturo, na susuportahan ng mga panahong nakalaan para sa remediation, assessment, at pahinga ng mga guro at estudyante.
Tinalakay rin sa pagdinig ang Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) program ng DepEd. Kinuwestyon ng mga mambabatas kung sapat ba ang suporta para sa mga estudyanteng nahuhuli sa aralin, lalo na sa mga nasa mas mataas na baitang.
Ayon kay Romulo, hindi dapat limitado sa Grade 1 ang intervention.
“Bakit Grade 1 lang? Base sa datos ninyo, nahuhuli ang mga estudyante mula Grade 1 hanggang 12,” aniya.
Iminungkahi pa niya ang isang walong linggong recovery program para mas matugunan ang learning gaps, imbes na isingit lamang ito sa regular na klase. Gail Mendoza