PALAWAN, Philippines – Patuloy na inaalam ng Philippine Coast Guard (PCG) kung may nadamay na foreign tourist sa nasunog na barko sa Coron, Palawan noong Miyerkules ng gabi.
Sa ngayon, sinabi PCG Commodore Noemi Cayabyab na biniberipika pa ang pagkakilanlan ng mga casualties at survivors ng MV June Aster na isang Roro passenger vessel.
Base aniya sa kanilang nakalap na impormasyon at kanilang nakapanayam, may mga pasahero na diumano ay may dalawang Chile nationals na kasama sa mga nailigtas.
Ayon kay Cayabyab, nakikipag ugnayan pa sila sa lokal na pamahalaan, maging sa shipping company para sa pagkakakilanlan ng mga sakay ng barko.
Ang MV June Aster ay may byaheng Baseco, Manila patungong Coron Palawan vice nang mangyari ang insidente na hanggang ngayon ay patuloy pa rin ang isinagawang search and rescue operations.
Sa naunang ulat, lima na ang kumpirmadong patay habang 43 na ang nailigtas.
Ayon pa kay Cayabyab, ang bilang ng posibleng missing ay 86 base sa manipesto ng barko.
Sa kabuuan nasa 134 ang lahat ng sakay ng Roro vessel kabilang ang 43 survivors at 5 casualties pero maari pa umanong magbago ang nasabing bilang dahil nagpapatuloy pa ang SAR ops ng PCG. Jocelyn Tabangcura-Domenden