MANILA, Philippines – Sa isang makasaysayan pagkakataon, sasali ang Philippine Coast Guard (PCG) sa 2024 Balikatan Exercise sa pagitan ng Pilipinas at US.
Ang mga barko ng Pilipinas, US, Australian, at French ay magkakaroon din ng joint sailing exercise sa exclusive economic zone (EEZ) ng bansa.
Gayunman, hindi kinumpirma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) , kung ang mga sasakyang pandagat ay dadaan sa mga lugar na sinasakop ng China sa West Philippine Sea kabilang ang Panganiban Reef.
“The reason why we do exercises is to demonstrate our capability, kasama ang PCG,” sabi ni 2024 Balikatan Exercises Executive Agent Colonel Michael Logico.
Ang 2024 Balikatan, na tatakbo mula Abril 22 hanggang Mayo 10, ang magiging pinakamalaking pag-uulit ng taunang joint military exercise na may partisipasyon ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno at sandatahang lakas ng mas maraming bansa.
Ito ay oobserbahan ng ilang bansa kabilang ang Brunei, Canada, France, Germany, Great Britain, India, Indonesia, Japan, Malaysia, New Zealand, Republic of Korea, Singapore, Thailand, at Vietnam.
Sa bahagi nito, ang US ay magde-deploy ng F-22 air superiority stealth fighter jet, AC 130 aircraft, Apache attack helicopters, Blackhawks, at posibleng F-35 fighter jet nito; habang ang Pilipinas ay magpapadala ng BRP Antonio Luna at iba pang bagong binili na military hardware.
Sinabi ng AFP na humigit-kumulang 16,700 tropa ang lalahok sa ehersisyo, kasama ang pagdaragdag ng mga tauhan mula sa Australian Defense Force at Marine Nationale (French Navy).
“What’s also not included in the 16,000 is the participation of other government agencies like the Philippine Coast Guard (PCG), Philippine National Police (PNP), Department of Information, Communications, and Technology (DICT), Office of Civil Defense (OCD) and the Presidential Communications Office (PCO),” sabi ni Logico.
Saklaw ng 2024 Balikatan ang tatlong pangunahing bahagi: Command and Control Exercise (C2X), Field Training Exercise (FTX), at Humanitarian Civic Assistance (HCA).
Ang mga aktibidad na ito ay gaganapin sa iba’t ibang heograpikal na lugar sa ilalim ng Northern Luzon Command, Western Command, at Southern Luzon Command.
Bukod sa pagpapahusay ng kakayahan sa dagat, sinabi rin ng Philippine Army na magsasanay sila sa paggamit ng medium-range capable missiles kasama ang US. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)