Home NATIONWIDE PCG may dagdag-barko mula PRC

PCG may dagdag-barko mula PRC

MANILA, Philippines – May karagdagang  barko ang Philippine Coast Guard (PCG) matapos makatanggap ng donasyon mula sa Philippine Red Cross (PRC) nitong Martes ng hapon.

Nilagdaan ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan at PRC Chairman Senator Richard Gordon ang deed of donation sa turnover ceremony sa Pier 13 South Harbor sa Manila.

Dinaluhan din ni First Lady Liza Marcos ang kaganapan, na isang Auxiliary Vice Admiral of the Philippine Coast Guard.

Ang M/V Amazing Grace, na unang nakuha ng PRC noong 2010, ay gagamitin na ngayon ng PCG bilang kanilang kauna-unahang humanitarian ship.

Ayon kay admiral Gavan, gagamitin ang barko para sa multi mission. Ito aniya ang kauna-unahang humanitarian vessel para sa PCG.

‘Very significant ito sa humanitarian assistance and disaster response. May mga heavy cargo na hindi natin nadadala by air,” sabi ni Gavan.

“This ship can be beached. We can bring an entire hospital and put it on a beach. Then we can bring people there, this is a very practical ship that you can bring in any island na tatamaan [ng disasters],” ayon naman kay Chairman Gordon.

Bilang karagdagan sa $88-million vessel na ibinigay ng PRC, nakatanggap din ang PCG ng 100 units ng STARLINK kits na donasyon ng Space Exploration Technologies Corp (SpaceX), na naglalayong magbigay ng satellite service at pagbutihin ang komunikasyon lalo na sa mga pinakaliblib na lugar sa bansa.

Bukod Dito, nakatanggap din ang PCG ng dalawang Barracuda Rigid-hulled Inflatable Boats (RHIBs) na donasyon ng Grab Philippines.(Jocelyn Tabangcura-Domenden)