MANILA, Philippines – Muling nagtaboy ang Philippine Coast Guard (PCG) ng hindi awtorisadong dayuhang fishing vessel sa territorial sea ng Kota Island sa West Philippine Sea nitong Linggo, Oktubre 18 na ika-apat na beses na sa loob ng tatlong linggo.
Ayon kay PCG spokesperson Jay Tarriela, namataan ng High-Speed Response Boat (HSRB-019) ang barko na nasa 1.75 nautical miles north-northwest ng isla, pasok sa 12-nautical-mile territorial sea ng Pilipinas.
Agad rumesponde ang HSRB-019 at sinuportahan ang dalawang rubber boats ng PCG na una nang humarang sa barko.
Sa pamamagitan ng radio challenges at malapitang pagbabantay, napaalis ang dayuhang sasakyang pandagat nang walang insidente.
Ito ay kasunod ng tatlong naunang operasyon malapit sa Kota Island noong Setyembre 28, Oktubre 9 at Oktubre 11.
Noong Setyembre 28 at Oktubre 9, itinaboy ng PCG ang Chinese maritime militia vessel 9622 at mga kasama nitong maliliit na bangka, habang lima pang dayuhang fishing vessels ang pinaalis noong Oktubre 11.
Noong Oktubre 15, nagtaboy din ang PCG ng isang Chinese fishing vessel at apat na maliliit na bangka sa Lawak Island.
Ang Kota Island ay bahagi ng Municipality of Kalayaan, Palawan at ng Kalayaan Island Group.
Mahigpit na ipinagbabawal ang pangingisda ng dayuhang barko sa territorial sea ng Pilipinas nang walang pahintulot alinsunod sa international law, Philippine Fisheries Code at Philippine Maritime Zones Act.
Tiniyak ng PCG sa ilalim ni Commandant Adm. Ronnie Gil Gavan na magpapatuloy ang maritime patrols sa Kalayaan Island Group katuwang ang Philippine Marine Corps, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipagtanggol ang karapatan ng bansa sa ilalim ng 2016 arbitral award at protektahan ang mga mangingisdang Pilipino. Jocelyn Tabangcura-Domenden