MANILA, Philippines- Sinabi ng Philippine Coast Guard (PCG) nitong Biyernes na hinimok ito ng matatag na paninindigan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. laban sa mga agresibong aksyon ng China sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon kay PCG spokesperson for the WPS Commodore Jay Tarriela, nakakaluwag ng loob sa bahagi ng PCG na banggitin ng Pangulo ang lahat ng ginagawang agresibong aksyon ng China tulad ng panle-laser, pagbangga at pangha-harass sa mga Pilipinong mangingisda.
Para kay Tarriela, ipinakita ng mga pahayag ni Marcos ang buong kamalayan ng Pangulo sa mga hamon na kinahaharap ng PCG, ng Armed Forces of the Philippines (AFP), at ng mga mangingisdang Pilipino.
Nanawagan si Marcos sa China na itigil na ang mga probokasyon nito sa WPS matapos himukin ni Chinese Foreign Ministry spokesperson Mao Ning ang Pilipinas na “iwasto ang maling gawain” sa pamamagitan ng pag-alis ng mga missile launcher ng US na iniulat na inilipat sa Luzon.
“Let’s make a deal with China: Stop claiming our territory, stop harassing our fishermen and let them have a living, stop ramming our boats, stop water cannoning our people, stop firing lasers at us, and stop your aggressive and coercive behavior, and I’ll return the Typhon missiles,” idineklara ni Marcos.
“Itigil nila ‘yung ginagawa nila, ibabalik ko lahat ‘yan,” dagdag pa ng Pangulo.
Iniulat ng PCG na apat na sasakyang pandagat ng China, kabilang ang napakalaking 5901 na “monster ship” ng China Coast Guard (CCG) ay nakita kamakailan malapit sa baybayin ng Zambales.
Inaangkin ng Beijing ang halos buong South China Sea, na nasasagasaan ang pag-angkin ng teritoryo ng Pilipinas, Vietnam, Indonesia, Malaysia, at Brunei.
Gayunman, noong 2016, nagpasya ang Permanent Court of Arbitration sa The Hague pabor sa Pilipinas, na nagsasabing ang mga claim ng China ay “walang legal na batayan.”
Tumanggi ang Beijing na kilalanin ang desisyon. Jocelyn Tabangcura-Domenden