Home NATIONWIDE PCG nagsagawa ng flag-raising sa Sabina Shoal sa pagdiriwang ng Independence Day

PCG nagsagawa ng flag-raising sa Sabina Shoal sa pagdiriwang ng Independence Day

MANILA, Philippines- Nagsagawa ng flag-raising ceremony ang mga crew at riders sakay ng barko ng Philippine Coast Guard (PCG) ang 97-meter BRP Teresa Magbanua sa Escoda (Sabina) Shoal bilang parangal at pagdiriwang ng Philippine Independence Day.

Ayon kay PCG spokesperson Rear Admiral Armand Balilo, may mga barko din ng Tsina na nakasubaybay sa paligid ng shoal na 75 nautical miles mula sa baybayin ng mainland Palawan.

Bilang pagpapakita ng “pagmamalaki “ at “paglaban,” inawit ng mga tauhan ng PCG ang national anthem Lupang Hinirang.

Ayon sa PCG, mayroong walong Chinese vessels sa labas at apat pa ang namataan sa loob ng shoal habang isinasagawa ang flag-raising activity.

Sinabi rin ng PCG na hindi dapat naroon sa shoal ang mga barko ng Tsina dahil ang Escoda Shoal ay nasa 200-nautical mile exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas. Ang presenysa ng mga barko ng China ay itinuturing na panghihimasok.

Mananatili naman sa kanilang mga pangako ang  Filipino coast guardians na bantayan at ipagtanggol ang Escoda Shoal mula sa panghihimasok ng China anuman ang mangyari at gaano man katagal.

Hinimok naman ni Commodore Jay Tarriela ,PCG spokesperson for West Philippine Sea ang mga Pilipino na ihayag ang kanilang pasasalamat sa mga matatapang na tauhan ng PCG at AFP na hindi napapagod na protektahan ang territorial integrity ng Pilipinas, at naninindigan para sa susunod na henerasyon ng mga Pilipino na ipagpatuloy ang laban para sa West Philippine Sea. Jocelyn Tabangcura-Domenden