Home NATIONWIDE PCG: Nawawalang tripulante ng lumubog na MT Terra Nova patay na

PCG: Nawawalang tripulante ng lumubog na MT Terra Nova patay na

MANILA, Philippines- Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) na patay na ang naiulat na nawawalang crew ng lumubog na motor tanker sa karagatan ng Limay, Bataan.

Ayon sa PCG, natagpuan ito ng alas-3 ng hapon ng BRP Melchora Aquino (MRRV- 9702).

Samantala, ipinag-utos na ni PCG CG Admiral Ronnie Gil Gavan ang deployment ng tatlong 44-meter multi-role response vessels (MRRVs) upang tumulong sa nagpapatuloy na oil spill response operations sa Bataan.

Ang paglubog ng Philippine-flagged Motor Tanker (MT) Terra Nova ay pag-aari ng Shogun Ships Co. Inc na matatagpuan sa Unit 2601 Antel Global Corporate Center, Julia Vargas Avenue, Ortigas Center, Pasig City

“These vessels will start the application of oil dispersants to immediately mitigate impact, especially during the period where siphoning is being prepared,” paliwanag ni CG Admiral Gavan.

“The PCG sets an operational target of seven days to finish siphoning the oil from the sunken tanker to stop further spread,” dagdag pa ng Coast Guard Commandant.

Ibinahagi ni PCG Spokesperson, CG Rear Admiral Armando Balilo, na batay sa imbestigasyon, walang Public Storm Warning Signal (PSWS) na nakataas sa Bataan nang umalis ang MT Terra Nova mula Limay, Bataan na may dalang 1.4 milyong litro ng industrial fuel oil (IFO). Kaya naman, hindi ito lumabag sa mga alituntunin at regulasyon na may kinalaman sa paggalaw ng mga sasakyang-pandagat sa panahon ng masamang panahon.

“The vessel sunk 34 meters deep which is considerably shallow. Siphoning will not be very technical and can be done quickly to protect the vicinity waters of Bataan and Manila Bay against environmental, social, economic, financial, and political impacts,” ayon kay CG Rear Admiral Balilo.

Nakikipagtulungan na ngayon ang PCG sa ilang Oil Spill Response Organizations (OSRO) na nagpahayag ng kanilang intensyon upang tumulong sa nagpapatuloy na oil spill response operations.

Nagboluntaryo na ring tumulong ang oil company na Petron, PCG Auxiliary (PCGA) at LGU.

Idinagdag ni CG Rear Admiral Balilo ang pagtiyak ng PCG na ang operasyon ay isasagawa alinsunod sa National Oil Spill Contingency Plan (NOSCOP) – ang interagency at public-private partnership approach sa paglaban sa oil spill, na pinamumunuan ng PCG’s Marine Environmental Protection Command (MEPCOM) Commander, na si CG Vice Admiral Roy Echeverria. Jocelyn Tabangcura-Domenden