Home METRO PCG personnel arestado sa pagpapaputok ng baril; parallel investigation ipinag-utos ni Gavan

PCG personnel arestado sa pagpapaputok ng baril; parallel investigation ipinag-utos ni Gavan

MANILA, Philippines- Arestado ang isang miyemrbo ng Philippine Coast Guard (PCG) matapos magpaputok ng baril sa kasagsagan ng kanilang inuman sa Sampaloc, Maynila, madaling araw ng Martes.

Kinilala ang suspek na si CG ASN Christopher Busilan y Olipas na kinasuhan ng paglabag sa RA 10591 at illegal discharge of firearm.

Sa imbestigasyon ng MPD-Barbosa (PS 14) ,nakarinig ng putok ng baril ang arresting officer na si Jhomar Samson, opisyal ng Brg.y 464 kaya agad niyang inalam ang kaganapan.

Pagdating sa lugar, nakita niya ang grupo ng mga kalalakihan na nag-iinuman at tinanong ang tungkol sa putok ng baril na itinanggi noong una ng suspek.

Gayunman, iginiit ng mga kapitbahay na ang insidente at putok ng baril ay nanggaling sa loob ng bahay kung saan nag-iinuman ang suspek at kasamahan nito sa R. Papa Street, Sampaloc, Maynila.

Kalaunan, inamin din ng suspek na siya ang nagpaputok ng baril.

Narekober sa kanya ang isang revolver na may dalawang bala at isang cartridge case.

Itinurn-over na sa General Assignment Investigation Section (GAIS) ang imbestigasyon para sa tamang disposisyon.

Ayon sa tanggapan ng GAIS, sumailalim na ang suspek sa inquest proceedings sa Manila City Prosecutor’s Office.

Samantala, binigyang-diin ni PCG Commandant, CG Admiral Ronnie Gil Gavan na hindi nito kukunsintihin ang ilegal na aktibidad ng coast guard personnel kasunod ng pangyayari.

Ayon sa PCG, agad na ipinag-utos ni Gavan sa Coast Guard Inspector General and Internal Affairs Service (CGIG-IAS) na magsagawa ng parallel investigation kaugnay sa nagyaring insidente para sa naaangkop na administrative measures.

Kapag napatunayang nagkasala, sinabi ng PCG na matatanggal sa listahan ng mga personnel ang suspek. Jocelyn Tabangcura-Domenden