Home NATIONWIDE PCG sa sea travelers: Kasamahang indibidwal na may espesyal na pangangailanan, bantayan...

PCG sa sea travelers: Kasamahang indibidwal na may espesyal na pangangailanan, bantayan sa biyahe

127
0

MANILA, Philippines- Nagpaalala ang opisyal ng Philippine Coast Guard (PCG) sa sea travelers na laging bantayan ang mga kasamang bata o mga may kapansanan na sakay ng barko.

Sa abiso ni Captain Jerome L Jeciel, commander ng Coast Guard Station Batangas, nitong Miyerkules ng gabi, binigyan-diin niya ang kahalagahan ng pagbabantay kapag naglalakbay partikular na pag may kasamang indibidwal na may espesyal na pangangailangan.

Inihayag ito ng opisyal matapos makatanggap ng impormasyon kaugnay ng nawawalang pasahero na may mental health problem, ng MV Maligaya na nahulog sa dagat sa katubigan ng Calatagan noong Martes ng hapon.

Kinilala ang nawawalang pasahero na si Mark Bernard Gerena, 26, na dumaranas ng problema sa pag-iisip.

Kinumpirma ang impormasyon ng kapatid ng pasahero na sakay din ng barko.

Huling nakita ang biktima na nakasuot ng itim na t-shirt at iniwang walang kasama nang tumalon mula sa kanang bahagi ng barko habang naglalayag sa karagatan ng Calatagan.

Hiniling niya sa mga pasahero na iwasang lumapit sa mga rehas o magsagawa ng hindi ligtas na aksyon dahil ang mga tauhan ng barko ay maaaring hindi palaging handa para tumulong.

Ang MV Maligaya, isang cargo-passenger ship na pag-aari ng 2GO Shipping Corporation ay umalis ng Maynila patungong Bacolod sakay ang 425 pasahero at 126 tripulante.

Noong Miyerkules, iniulat ng PCG na pinakilos nito ang kanilang fast patrol boat, ang BRP Boracay (FPB 2401), sa karagatang malapit sa Calatagan para ipagpatuloy ang paghahanap.

Pinayuhan din ng PCG ang lahat ng mga sasakyang pandagat na dumaraan sa karagatan ng Calatagan na bantayan ang nawawalang pasahero at mag-ulat sa pinakamalapit na istasyon kapag nakita ito.

Sinuspinde ng PCG ang search and rescue operation kay Gerona noong Martes ng gabi dahil sa poor visibility. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here