MANILA, Philippines- Walang naitalang malaking krimen ang Philippine National Police (PNP) sa mga sementeryo at mga pampublikong lugar sa paggunita sa All Saints’ Day.
Iniulat nito ngayong Huwebes na nakumpiska lamang ng mga awtoridad ang ilang ipinagbabawal na bagay.
Na-monitor din ng PNP ang halos tatlong milyong bumisita sa mga sementeryo nitong Undas.
Patuloy ang pagbabantay nito sa seguridad dahil inaasahang tataas pa ang bilang na ito ngayong All Souls’ Day (November 2).
Ani PNP spokesperson Colonel Jean Fajardo, naging maayos at mapayapa ang paggunita ng ‘Undas’ sa buong bansa.
“Kahapon po, overall po, naging maayos at payapa naman po yung observance ng Undas at wala po tayong naitala na any major incident po,” pahayag ng opisyal sa isang panayam.
“Except po doon sa mga nakumpiska po natin na prohibited items, kagaya po ng bladed and pointed objects, yung mga flammable materials, mga intoxicating drinks.”
“Other than that po ay wala naman po tayong naitala na major incidents po,” aniya pa.
Wala ring inihaing legal complaints laban sa mga indibidwal na nagdala ng ipinagbabawal na kagamitan sa mga libingan.
“Ang iniiwasan po kasi natin diyan, kapag may mapalusot po tayo na nakalalasing na inumin, may mga bladed weapon pa, baka magkainitan at mauwi pa sa hindi maganda,” wika ni Fajardo.
Wala pa ring naiuulat na kaso ng theft o robbery.
Nananatili sa full alert ang PNP ngayong Huwebes.
Nakakalat pa rin ang mga pulis sa mga sementeryo, partikular sa National Capital Region.
Simula sa Biyernes, sinabi ni Fajardo na ipauubaya sa police regional directors kung pananatilihin ang ‘alert status’ sa kani-kanilang mga lugar o ibaba ito sa ‘heightened alert’ hanggang sa darating na weekend. RNT/SA