MANILA, Philippines- Mahigit 100 pang Pilipino galing Israel ang inaasahang darating sa Pilipinas sa mga susunod na linggo upang takasan ang umiigting na giyera sa pagitan ng mga miyembro ng Israel Defense Forces at ng Palestinian militant Islamic group Hamas, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Miyerkules.
Sinabi ni Foreign Undersecretary Eduardo de Vega sa isang panayam na pauuwiin ang 143 overseas Filipino workers (OFWs) mula Israel ngayong buwan, kung saan inaasahan ang pinakamaagang batch sa Nov. 6.
Nitong Lunes, 60 Pilipino galing Tel Aviv ang dumating sa Manila at nakatakdang makatanggap ng financial, educational at employment assistance mula sa gobyerno.
Base sa Department of Migrant Workers (DMW), 123 Pilipino, kabilang ang apat na sanggol, ang nakauwi na galing Israel mula nang sumiklab ang giyera noong Oct. 7.
Sa Gaza Strip, 136 Pilipino ang hindi makaalis dahil sa pagkontrol ng Israel sa border ng Gaza. RNT/SA