MANILA, Philippines – Inalmahan ng Philippine Coast Guard (PCG) nitong Miyerkules, Oktubre 30 ang “unfair” na sinabi ni Cavite 4th District Rep. Francisco “Kiko” Barzaga.
Sa isang pahayag, sinabi ni PCG Spokesperson, Capt. Noemie Cayabyab, na ang pahayag ni Barzaga ay “hindi patas sa mga dedikadong lalaki at babae ng PCG.”
Ang pahayag ay bilang tugon sa sinabi ni Barzaga na ang PCG ay dapat na buwagin dahil ito ay “nagpapalaki ng mga tensyon sa WPS na may hangaring makialam sa China at Taiwan sa muling pagsasama-sama.”
Dagdag pa niya, ang PCG ang magiging dahilan ng World War III.
Sinabi ni Cayabyab na ang PCG ay “iginagalang ang karapatan ng mga nahalal na opisyal na ipahayag ang kanilang mga pananaw sa mga pambansang usapin” at nag-alok ng pakikipag-usap sa mambabatas.
Dagdag pa rito, inakusahan ni Barzaga ang PCG ng katiwalian dahil sa mga matataas na posisyon na ibinibigay sa “hindi karapat-dapat na mga opisyal ng publiko,” partikular na si dating House of Representatives Speaker, Leyte Rep. Martin Romualdez, at Presidential Adviser on Poverty Alleviation Larry Gadon.
Bilang tugon, nilinaw niya na ang PCG at ang PCG Auxiliary (PCGA) ay dalawang magkakaibang entidad, kung saan ang huli ay binubuo ng mga sibilyang boluntaryo na tumulong sa community-based at humanitarian missions. Jocelyn Tabangcura-Domenden