Home NATIONWIDE PCG walang naitalang maritime incident noong Holy Week

PCG walang naitalang maritime incident noong Holy Week

MANILA, Philippines- Walang maritime incident na naitala sa mga pantalan ngayong Semana Santa habang nagbabalik na sa Metro Manila ang mga manlalakbay ngayong Linggo ng Pagkabuhay, sinabi ng Philippine Coast Guard (PCG).

Ayon kay PCG spokesperson Rear Admiral Armand Balilo, bagama’t bumuhos ang ulan sa ilang bahagi ng bansa nitong nakaraang mga araw, nanatiling kalmado ang dagat.

Gayunman, sinabi ni Balilo na hindi nagpakampante ang PCG at ginawa ang lahat ng security measures para makauwi nang maayos ang mga biyahero, habang walang naitalang maritime accidents.

Sa kabuuan, nasa 173,000 outbound passengers ang nasubaybayan ng PCG habang 152,000 nito ay mula lamang sa talaan noong Sabado. Aniya, ang naturang bilang ay maari pang madagdagan sa mga susunod na oras.

Sinabi ni Balilo na nakaranas ng bahagyang pagkaantala ng biyahe sa ilang mga pantalan ngunit napangasiwaan nang maayos ang mga ito.

Wala namang naglayag na sasakyang pandagat na nag-overload ngayong Holy week, ayon pa sa PCG.

Sa pagtatapos ng paggunita ng Semana Santa, sinabi ni Blilo na gagaan ang heightened alert ng PCG ngayong Lunes, Abril 1. Jocelyn Tabangcura- Domenden