ILOCOS SUR-Patay ang isang 57-anyos na lalaki matapos na aksidenteng mabangga ng isang van sa Brgy. Paras, Candon City ng lalawigang ito kaninang 12:40 ng madaling-araw, Agosto 21.
Ang 57-anyos na pedestrian, may asawa, isang magsasaka ay residente ng Brgy. Lubong, Sta. Lucia, Ilocos Sur.
Base sa ulat, ang Hi-Ace Grandia na aksidenteng nakabangga sa biktima ay minaneho ng 51-anyos na lalaki, may asawa, isang negosyante, residente ng Brgy. Olo-Olo Norte, Santiago, Ilocos Sur.
Bumibiyahe patungong hilagang direksion sa national highway sa naturang lugar ang naturang sasakyan.
Pagsapit nito sa pinangyarihan ng insidente ay biglang tumawid ang biktima kaya nabangga ito ng van.
Dahil dito, ang biktima ay nagtamo ng sugat sa iba’t ibang parte ng katawan na agad na dinala sa Candon City Hospital ng mga rumespondeng personnel ng Candon City Police Station.
Gayunman, ang biktima ay idineklarang dead-on-arrival ng umatending doktor.
Hindi naman nasaktan ang driver ng van at ang mga siyam na pasahero nito. Rolando S. Gamoso