Home NATIONWIDE Pekeng ambulansyang ginagamit pampasahero, tutugisin ng LTO

Pekeng ambulansyang ginagamit pampasahero, tutugisin ng LTO

174
0

MANILA, Philippines – Nakapag-impound na ang Land Transportation Office (LTO) ng mahigit 300 colorum o out-of-line na sasakyan sa unang tatlong araw ng pinaigting nitong kampanya laban sa mga iligal na pampasaherong sasakyan, kabilang ang mga pekeng ambulansya at mga serbisyong iniaalok sa social media.

Pinakamaraming nahuli sa Calabarzon na may 168 sasakyan, sinundan ng Central Office area na may 48 at Cagayan Valley na may 45. Mahaharap sa multang ₱200,000 ang mga may-ari ng van, habang ₱1 milyon naman ang multa sa mga bus operator.

Ayon kay LTO chief Assistant Secretary Markus Lacanilao, delikado ang pagsakay sa colorum vehicles dahil wala itong insurance sakaling maaksidente.

Dagdag niya, palalawakin pa ng ahensya ang operasyon laban sa mga pekeng ambulansyang nagsasakay ng pasahero upang makaiwas sa trapiko, gayundin sa mga iligal na biyahe na iniaalok online.

Noong Huwebes, pinara ng Special Action and Intelligence Committee for Transportation (SAICT) ng Department of Transportation ang isang ambulansyang dumaan sa EDSA Busway. Natuklasang wala itong emergency medical equipment at nananatili ang mga upuan para sa pasahero.

Inamin ng driver na ginagamit ito sa pagsakay ng mga pasaherong magpapatingin sa ospital.

“Sinasamantala kasi ambulance ‘yung markings nila. Once na may sakay siya na pasahero at nagbabayad, colorum ‘yun kasi ambulance siya tapos may upuan siya,” ani Lacanilao.

Nanawagan naman si Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson ng mas mahigpit na random inspection sa mga ambulansyang gumagamit ng wang-wang, lalo na tuwing rush hour.

“Drivers of vehicles with no emergency patients must be apprehended, their licenses revoked and charged, if warranted. Aside from annoying, they can be traffic hazards,” ani Lacson.

Nagbabala rin si Lacanilao laban sa mga iligal na biyahe na iniaalok sa social media sa anyo ng carpooling.

“Once na maningil sila ng bayad ‘dun sa pagka-carpool ay considered po ‘yun na colorum,” aniya. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here