MANILA, Philippines – Naglunsad ng imbestigasyon ang Philippine National Police (PNP) sa napaulat na mapanlinlang na solicitation para sa mga biktima ng Bagyong Tino gamit ang Office of Civil Defense (OCD).
“Upon receiving the advisory from the Office of Civil Defense, our units immediately coordinated with the agency to gather information about the suspect,” ayon kay PNP acting chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. “We are now tracing the digital footprint and communication channels used to solicit donations.”
Nauna nang naglabas ang OCD ng advisory na nagbabala sa publiko tungkol sa isang Jennifer Santos na nagsasabing siya ay kawani ni Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV para manghingi ng donasyon para sa mga naapektuhan ng Bagyong Tino sa Cebu.
Sinabi ni Nartatez na inatasan niya ang PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) at Criminal Investigation and Detection Group na kilalanin at hanapin ang suspek.
Sinabi niya na ang mga specialized unit ng PNP ay sumusubaybay na ngayon sa mga digital communications, online accounts, at financial channels na posibleng nauugnay sa scam sa pakikipag-ugnayan sa OCD at iba pang kinauukulang ahensya.
“Kung mapatunayang may panlilinlang na naganap, mananagot sa batas ang mga sangkot. Fraud and identity theft are serious offenses lalo na kung ginagamit ang pangalan ng mga opisyal ng gobyerno at mga biktima ng kalamidad,” ayon sa PNP chief.
Sinabi ng OCD na hindi ito humihiling ng mga donasyon sa pamamagitan ng mga opisyal at hinimok ang mga tao na direktang makipag-ugnayan sa OCD o sa Department of Social Welfare and Development para sa mga donasyon.
Hinimok naman ng PNP ang publiko na iulat ang anumang kahina-hinalang solicitation activities sa PNP-ACG o sa pinakamalapit na istasyon ng pulisya. RNT/MND