MANILA, Philippines – Nagbabala ang mga Embahada ng Pilipinas sa Ottawa at Washington, D.C. sa mga Pilipino sa abroad na mag-ingat laban sa pekeng email na ginagamit ang pangalan ng mga diplomat at opisyal ng gobyerno.
Sa inilabas na abiso nitong Miyerkules, paalala ng Philippine Embassy in Ottawa na hindi nagpapadala ng legal documents sa pamamagitan ng email ang mga Philippine foreign service posts sa Canada.
“The public is advised to beware of unscrupulous individuals who use fake e-mail accounts and pose as personnel of the Philippine Embassy or the Department of Foreign Affairs for fraudulent transactions,” ayon sa embahada.
Ipinaliwanag nitong ang mga legal na proseso para sa mga Pilipino sa ibang bansa ay isinasagawa lamang sa pamamagitan ng personal service o registered mail kaugnay ng mga kasong dinidinig sa Pilipinas.
Naglabas din ng katulad na paalala ang Philippine Embassy sa Washington, D.C. matapos makatanggap ng mga ulat tungkol sa pekeng mensaheng ginagamit ang pangalan ni Ambassador Jose Manuel Romualdez.
Nilinaw ng embahada na hindi sila humihingi ng pera, personal o pinansyal na impormasyon, at hindi rin nakikipag-ugnayan gamit ang mga unofficial o personal accounts.
Idinagdag nito na ang lahat ng lehitimong pakikipag-ugnayan ay isinasagawa lamang sa pamamagitan ng opisyal na channels ng embahada. RNT