MANILA, Philippines – Nagbabala ang Department of the Interior and Local Government (DILG) laban sa peke at misleading na post sa social media na nagsasabing maaaring makakuha ng ₱5,000 hanggang ₱8,000 na ayuda sa pamamagitan ng barangay form at pakikipag-ugnayan sa hindi opisyal na mga numero.
Nilinaw ng DILG na wala silang inilabas na direktiba ukol dito at ang mga numerong nakasaad ay hindi konektado sa anumang lehitimong programa ng gobyerno. Tanging ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) lamang ang nagpapatupad ng Social Amelioration Program (SAP).
“Wala pong ganitong aktibong programa sa ngayon,” ayon sa DILG. Hinihikayat din nila ang publiko na huwag magbigay ng personal na impormasyon base sa mga hindi beripikadong post online.
Babala ng DILG, maaaring maharap sa kaso ang sinumang nagpapakalat ng pekeng impormasyon gamit ang pangalan ng ahensya sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act.
Para sa lehitimong concern, maaaring tumawag sa DILG Public Assistance Center sa (02) 8876-3454 local 6700. Santi Celario