Home NATIONWIDE Pekeng People’s Initiative ibasura na – Hontiveros

Pekeng People’s Initiative ibasura na – Hontiveros

Manila, Philippines- Umapela si Senadora Risa Hontiveros sa Commission on Elections na tuluyan nang ibasura ang pagtanggap ng lagda at iba pang proseso na may kinalaman sa pagsulong ng People’s Initative (PI) bilang paraan sa Charter change (Cha-cha).

Ang panawagan ay ginawa ni Hontiveros sa pagdinig ng Senate subcommittee on constitutional amendments and revision of codes sa Resolution of Both Houses (RBH) 6 na naglalayong amyendahan ang ilang economic provision ng 1987 Constitution.

Matatandaan na noong Enero 26, sinuspinde ng Commission on Election ang lahat ng proseso na may kinalaman sa paglikom ng lagda, kabilang ang pagtanggap ng signature sheets na isinumite ng People’s Initiative Reform Modernization Action (PIRMA), ang lead organization na nasa likod ng signature drive para sa Cha-cha, dahil sa kakulangan ng sapat na pamamaraan sa patuloy na proseso ng PI.

“Hindi po solusyon ang Cha-cha kahit sabi nilang purely economic provisions para bawasan ang mga tunay na iniinda natin,” ayon kay Hontiveros.

Ilan umano sa tunay na hamon na hadlang sa foreign at local investment ay ang korapsyon, red tape, bureaucracy at mataas na presyo ng kuryente at hindi umano dapat isisi sa 1987 Constitution.

“Walang pananagutan ang 1987 Constitution sa mga bagay na ‘yon,” punto ng senadora.

Ani Hontiveros, may mga batas na at nakabinbing panukalang batas na target na gawing liberal ang ekonomiya. Ilan dito ang RA 10641 o pag-amiyenda sa Foreign Bank Liberalization Act, Retail Trade Liberalization Act, Public Service Act at Foreign Investments Act.

“So much of the Philippine economy is already open to foreign participation.

Bukas na bukas na po ang ating tindahan, ladies and gentlemen,” sabi ni Hontiveros sa kanyang opening statement.

Pinabulaanan din ng senadora ang sinasabi ng mga Cha-cha proponent na ang Konstitusyon ay “too restrictive” kumpara sa Singapore, na patuloy na lumalago ang ekonomiya sa kabila ng pagiging istrikto sa mga kritikal na industriya at public utilities.

“Yang sinasabi nilang restrictive-restrive na ‘yan, ‘di po totoo ‘yan. Wag sana nating gawing collateral damage ang Konstitusyon… ang mismong kaluluwa ng bansa. We, the Filipino people, will determine our destiny, hindi ‘yung ambisyon lang ng iilan,” ayon kay Hontiveros.

“Hindi kailangang mag-Cha-cha para dumami ang trabaho, puksain ang kahirapan at pataasin ang kalidad ng buhay ng bansa,” sabi pa niya. RNT

Previous articleSermonia out, Emmanuel Peralta in bilang PNP acting deputy chief for admin ng PNP
Next articleTeodoro, Acorda tutol sa paghihiwalay ng M’danao sa Pinas