Home NATIONWIDE Pekeng “Pinoy” Inaresto sa Batangas – BI

Pekeng “Pinoy” Inaresto sa Batangas – BI

114
0

IBAAN, Batangas—Inaresto ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) Intelligence Division ang isa na namang dayuhang umano’y nagpanggap bilang Pilipino.

Ayon kay BI Intelligence Division Chief Fortunato Manahan Jr., kinilala ang naarestong suspek na si Zhou Jianxiao, 35-anyos, na nahuli noong Abril 10 sa Barangay Malainin, Ibaan, Batangas.

Isinagawa ang operasyon ng BI Regional Intelligence Operations Unit 4A katuwang ang Batangas Police Provincial Office–Ibaan Municipal Police Station, Philippine National Police Ibaan Intelligence Unit, at Armed Forces of the Philippines.

Nahaharap si Zhou sa kasong paglabag sa Section 37(a)(7) ng Philippine Immigration Act of 1940, na may kinalaman sa maling pagpapakilala ng kanyang pagkakakilanlan bilang isang Pilipino gamit ang mga dokumento ng bansa.

Batay sa ulat, ginamit umano ng suspek ang alyas na “Donny Flores Zhou” sa kanyang Philippine driver’s license kung saan nakasaad na siya ay isang Filipino national.

Sa imbestigasyon, nadiskubre rin na pinangangasiwaan ni Zhou ang operasyon ng isang bodega sa naturang lugar.

Sa isinagawang inspeksyon, nadakip din ang tatlo pang Chinese nationals na kinilalang sina Li Qican, Ji Jingui, at Chen Longlong.

Ang tatlo ay nahaharap sa iba’t ibang paglabag sa batas ng imigrasyon kabilang ang overstay, paglabag sa kondisyon ng kanilang pananatili, at pagtatrabaho nang walang kaukulang visa o permit.

Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, itinuturing na isyu ng pambansang seguridad ang ganitong modus dahil nagagawa ng ilang dayuhan na makihalubilo sa komunidad sa pamamagitan ng pagpapanggap bilang mga Pinoy.

Tiniyak din ng opisyal na magpapatuloy ang pakikipagtulungan ng BI sa iba pang ahensya ng pamahalaan at law enforcement upang matunton at madakip ang iba pang sangkot sa ganitong gawain.

Dagdag pa ng BI, matagal na nilang tinututukan ang ganitong mga kaso, ngunit mas naging mataas ang interes ng publiko matapos ang pagkakaaresto kay dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Leal Guo.

Binigyang-diin ni Viado na posibleng marami pa ang gumagamit ng ganitong modus, kaya’t paiigtingin pa ng ahensya ang kanilang operasyon laban sa mga pekeng “Pinoy.” JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here