UNITED STATES – Mahigit isang daang aktibista ang nagtipon-tipon sa harap ng Philippine Consulate General sa New York para magdaos ng “People’s State of the Nation Address” (PSONA).
Ang demonstrasyon ay inorganisa ng mga militanteng grupong Migrante, Malaya Movement, Gabriela USA, at BAYAN USA.
Isinagawa ito nitong Linggo, Hulyo 27, oras sa US, bago ang ikaapat na State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ipinahayag ng mga nagprotesta ang kanilang sama ng loob sa mabagal na tugon ng Philippine Consulate at Philippine Embassy sa Washington, D.C. sa pagkakaaresto sa mga Filipino na apektado ng bagong immigration policy ni US President Donald Trump.
Kinondena rin ng mga grupo ang umano’y militarisasyon ng US sa Pilipinas, kabilang ang deployment ng American ammunition at military arsenal, kasabay ng babala na ang mga aksyong ito ay maaaring magpatindi pa ng tensyon sa pagitan ng America, China at Pilipinas.
Binatikos din ng mga ito ang “unequal trade agreement” sa pagitan nina Marcos at Trump at sinabing napunta ang Pilipinas sa economic disadvantage.
Nabanggit din ng mga ito sng mabagal na tugon ng pamahalaan sa malawakang pagbaha sa bansa na kumitil sa buhay ng mahigit 31 indibidwal.
Matapos ang tatlong oras ng mapayapang kilos-protesta ay naghiwa-hiwalay ang mga ito nang walang anumang naitatalang insidente. RNT/JGC