MANILA, Philippines – Muling ilulunsad ng pamahalaang lungsod ng Malabon ang cash-for-plastic recycling program sa Mayo 28, kung saan maaaring ipagpalit ng mga residente ang kanilang plastic waste kapalit ng pera.
Pangungunahan ito ng City Environment and Natural Resources Office (CENRO) katuwang ang Sentinel Plastic Corporation sa ilalim ng programang “Sa Plastic na Basura, May Kita Ka!” na layong bawasan ang plastic waste at isulong ang recycling at environmental sustainability.
Gaganapin ang collection drive sa parking lot ng Robinsons Mall mula alas-8 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali.
Maaaring ipalit ng mga residente ang recyclable polyethylene terephthalate (PET) bottles at iba pang plastic components kapalit ng cash.
Sa ilalim ng programa, bibilhin ang malinaw na PET bottles sa halagang ₱21 kada kilo, habang ang asul at berdeng PET bottles ay ₱10 kada kilo. Ang bottle caps o rings ay ₱20 kada kilo, at ang bottle labels ay ₱7.50 kada kilo.
Ayon sa pamahalaang lungsod, layunin ng programa na gawing may katumbas na halaga ang plastic waste habang hinihikayat ang tamang waste segregation at recycling sa mga residente. Dave Baluyot