Home NATIONWIDE Person of interest sa pagpaslang sa pageant candidate, fiancé sumuko

Person of interest sa pagpaslang sa pageant candidate, fiancé sumuko

Larawan mula sa X (@ABSCBNNews)

MANILA, Philippines- Inanunsyo ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) nitong Linggo ang panibagong impormasyon sa imbestigasyon sa pagpatay sa beauty pageant candidate na si Geneva Lopez  at kanyang Israeli boyfriend sa pagsuko ng isa sa persons of interest.

Itinuro ni “Jess,” driver ng dalawang dating pulis na mga pangunahing suspek, sa mga pulis ang lugar kung saan inilibing sina Lopez, 27, at Yitzhak Cohen, 37 sa Barangay Sta. Lucia, Capas, Tarlac, batay sa ulat ni CIDG Director Maj. Gen. Leo Francisco.

Tumugma ang mga bangkay na nahukay nitong Sabado sa pagkakakilanlan ng mga biktima, batay sa kumpirmasyon ni Pampanga Governor Dennis Pineda na tumulong sa pag-monitor ng kaso dahil si Lopez ay mula sa kanyang lalawigan.

Ayon sa salaysay ni Jess, kinuha siyang driver ng sports utility vehicle (SUV) para sa dalawang pangunahing suspek, sinasabing mga pulis na nag-AWOL (absent without official leave).

Aniya, nagulat siya nang makita ang dalawang bangkay sa likod ng SUV. Dahil sa takot para sa kanyang buhay, sumunod siya sa utos sa kanya.

Ani Francisco, itinuturing na si Jess na state witness subalit maaari pa ring kasuhan kaugnay ng krimen.

Ilalahad ng Philippine National Police (PNP) at ng Department of the Interior and Local Government ang karagdagang findings sa kaso ngayong Lunes.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng CIDG ang dalawang dating pulis, isa sa kanila ang naaresto sa illegal possession of firearms.

“Isa lang siya sa mga nagbigay ng impormasyon pero tinitingnan namin kung ano pa ‘yung participation niya kaya hindi pa rin siya ‘yung sasabihin natin na off the hook kundi undergoing pa ‘yung digging up tungkol sa real participation niya,” ani Francisco sa isang phone interview nitong Linggo.

Sinabi ni PNP Public Information Office chief, Col. Jean Fajardo na may limang persons of interest sa kaso.

Huling nakita sina Lopez at Cohen noong Hunyo 21 bago magtungo sa Barangay Armenia sa Tarlac City upang tingnan umano ang property na balak nilang bilhin. RNT/SA