MANILA, Philippines- Hinarang ng China Coast Guard (CCG) vessel ang dalawang Philippine Coast Guard (PCG) vessels malapit sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea, ayon sa isang maritime expert nitong Linggo.
Sa isang post sa X (dating Twitter), sinabi ni dating US Air Force official at dating defense attaché Ray Powell na hinarangan ng CCG 5203 ang BRP Cabra at BRP Cape Engano habang naglalayag 14 nautical miles sa silangan ng Ayungin Shoal.
Samantala, anim na Chinese maritime militia vessels ang bumuntot sa PCG vessels.
Ani Powell, nauna nang nag-transmit ang kapwa PCG patrol vessels ng kanilang automatic identification signals (AIS) 18 nautical miles sa timog ng Ayungin Shoal.
Base pa kay Powell, ito ang naging dahilan upang ipadala ng Chinese ang pito pang militia vessels “to bolster blockade around 2TS while CCG 5203 went south [and] first interdicted the 2 [Philippines] ships at 0700.”
Sa kasalukuyan ay wala pang pahayag ang PCG ukol dito.
Matatagpuan ang Ayungin Shoal, tinatawag ng China na Ren’ai Reef, 105 nautical miles sa kanluran ng Palawan at saklaw ng 200-mile exclusive economic zone ng bansa at bahagi ng continental shelf nito. RNT/SA