Home NATIONWIDE Petisyon ni Dumlao sa Jee Ick-Joo case, ibinasura ng SC

Petisyon ni Dumlao sa Jee Ick-Joo case, ibinasura ng SC

1037
0
(c) Remate File Photo

MANILA, Philippines – Ibinasura ng Supreme Court Second Division ang petisyon ng tinanggal na si Police Lieutenant Colonel Rafael Dumlao II, ang akusado sa pagdukot at pagpatay sa negosyanteng Koreano na si Jee Ick-Joo sa loob ng Philippine National Police headquarters sa Camp Crame noong October 18, 2016.

Si Dumlao, na itinuturing na mastermind sa kaso, ay patuloy pa ring pinaghahanap ng mga awtoridad.

Ibinasura ng Mataas na Hukuman ang petition for injunction and temporary restraining order ni Dumlao dahil hindi nito napatunayan na nagkaroon ng grave abuse of discretion ang Court of Appeals.

Tinanggihan din ng SC ang petition for review on certiorari dahil sa kawalan ng sapat na batayan para repasuhin ng Korte ang kaso.

Nitong nakaraang taon, binaligtad ng Court of Appeals ang pag-absuwelto ng mababang korte kay Dumlao sa kaso.

Bukod kay Dumlao, akusado rin sa kaso sina Senior Police Officer 3 Ricky Sta. Isabel, SPO4 Roy Villegas, Jerry Omlang, at Gerardo Santiago na kinasuhan ng kidnapping at pagpatay kay Jee, at kasong kidnapping at serious illegal detention sa kasambahay ni Jee na si Marisa Morquicho.

Tanging sina Sta. Isabel at Omlang ang hinatulan ng mababang korte ng kidnapping with homicide, kidnapping at serious illegal detention, at car theft.

Sinabi ng Court of Appeals na isang pagkukunwari lamang ang pagdinig ng mababang korte at panunuya sa judicial process.

Si Dumlao ay hinatulan ng reclusion perpetua na walang parole at pinagbabayad ng ₱350,000 bilang danyos sa kasong kidnapping with homicide; reclusion perpetua at ₱225,000 bilang danyos sa kasong kidnapping at serious illegal detention; at dagdag na kulong ng hanggang 35 taon sa kasong car theft.

Dahil sa desisyon ng SC, nagsanib-puwersa ang Presidential Anti-Organized Crime Commission, Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group, at Armed Forces of the Philippines para tugisin si Dumlao.

May pabuya na ₱1 milyon sa sinumang makapagbibigay ng kapani-paniwalang impormasyon para madakip si Dumlao.
Teresa Tavares

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here