MANILA, Philippines – Hiniling ni Senador Bam Aquino ang mga awtoridad na imbestigahan ang scam video na kumakalat ngayon sa internet gamit ang artificial intelligence (AI) na nanghihikayat sa publiko na mamuhunan sa proyektong sinasabing suportado ng pamahalaan.
Makikita sa AI-generated na video, na kumakalat sa social media, ang isang kilalang babaeng news anchor na nag-uulat tungkol sa umano’y pag-endorso ng senador sa isang “national platform for inclusive financial growth” na nagsasabing maaaring kumita ng hanggang ₱175,000 kada linggo gamit ang paunang puhunan na ₱15,000.
“Walang katotohanan ang kumakalat na AI video kung saan ini-endorso ko ang isang programa kung saan maaaring kumita nang malaki ang ating mga kababayan kapalit ng investment,” ani Aquino.
“Nananawagan ako sa ating mga awtoridad na imbestigahan at alamin ang mga nasa likod ng AI video na ito at papanagutin sila sa kanilang ginawa,” dagdag niya.
Hinimok din ng senador ang mga social media platform na tanggalin ang naturang pekeng content upang hindi na makapambiktima pa.
Upang mapigilan ang pagkalat ng mga scam gamit ang AI-generated videos, sinabi ni Aquino na balak niyang maghain ng panukalang batas na magbabawal sa paggamit ng mukha at imahe ng ibang tao sa mga deepfake na layong manlinlang o mandaya ng publiko.
“Kailangang mapatawan ng karampatang parusa ang mga gumagawa ng ganito para manloko ng kapwa. Tuldukan na natin ang ganitong gawain dahil kadalasan ng mga nabibiktima rito ay mga kababayan natin na pinaghirapan ang naipong pera,” paliwanag ni Aquino. Ernie Reyes