Home NATIONWIDE Petisyon sa pag-angat sa Padre Pio shrine bilang int’l shrine, inendorso ng...

Petisyon sa pag-angat sa Padre Pio shrine bilang int’l shrine, inendorso ng CBCP

MANILA, Philippines – Inendorso ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang petisyon sa Vatican na naglalayong iangat ang National Shrine of Saint Padre Pio bilang isang international shrine.

Sinabi ni CBCP president Bishop Pablo Virgilio David na ang panukala ay pinagtibay sa kanilang ika-128 na pagpupulong plenaryo sa Cagayan de Oro City noong weekend.

“We have approved to endorse the application of the National Shrine of Padre Pio into an international shrine,” ayon sa ulat ng CBCP News.

Matatagpuan ang 12 hektaryang shrine sa Santo Tomas Batangas, na madalas binibisita ng mga manlalakbay mula sa ibat-ibang bansa at sa buong mundo.

Sinabi ni Lipa Archbishop Gilbert Garcera na maliban sa endorsement ng CBCP , ang parokya ay nakakuha ng suportaula sa ilang pinuno ng episcopal conferences sa buong Asia na maging international shrine.

“We are really convinced there is a need for Rome to recognize it is an international shrine because of the strong devotion to Santo Padre Pio,” sabi ng Arsobispo.

Ang parokya sa Santo Tomas ay kinilala bilang isang archdiocesan shrine noong 2008 at kalaunan ay idineklara ng CBCP bilang isang pambansang dambana noong 2013.

Kapag naaprubahan na ng Vatican ang petisyon, ito na ang magiging pangalawang international shrine sa bansa, ang isa naman ay ang International Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage sa Antipolo City. Jocelyn Tabangcura-Domenden