Home NATIONWIDE Rider patay nang pagbabarilin ng nakaaway sa sugal sa Caloocan

Rider patay nang pagbabarilin ng nakaaway sa sugal sa Caloocan

MANILA, Philippines – Patay ang isang motorcycle rider matapos pagbabarilin ng nakaaway nito sa isang sugal sa Bagong Barrio, Caloocan City.

Sa kuha ng CCTV, dumaan ang mag-live in partner na sakay ng motorsiklo sa General Tirona Street bago mag-alas 9 ng gabi ng Lunes, Hulyo 8.

Habang binabagtas ang kalsada ay bigla na lamang itong pinagbabaril at ilang beses pang pinaputukan Kahit natumba na.

Napatakbo naman ang kinakamasa nito.

Matapos ang pamamaril ay itinayo pa ng gunman ang motorsiklo ng biktima at ginamit ito para makatakas.

Dead on the spot ang biktima na kinilalang si John Mark Robedillo.

Ayon sa kinakasama, magdedeliver lamang umano sila ni John Mark ng mango graham sa lugar.

“Nag-order po, pangalan lang ‘Boss.’ Tapos nag-deliver kami, hindi ko alam na may pumutok na baril. Gumanu’n sa tenga ko. Tapos akala ko paputok lang. Tapos nakita ko ‘yung asawa ko nakahiga na,” saad ng live-in partner ng biktima sa panayam ng GMA News.

“‘Yung nakaaway niya sa sugal. Binugbog niya ‘yung asawa ko. Talo siya, kinuha niya ‘yung pera ng asawa ko. Kilala lahat ng tao roon kung sino siya. Naglalakad lang siya, hindi namin napansin na nandu’n siya,” pagpapatuloy ng live-in.

Iniimbestigahan na ng Caloocan police ang insidente. RNT/JGC