MANILA, Philippines – Iniulat ng Philippine Coast Guard (PCG) na tatlong Coast Guardian ang sugatan sa pagsabog na nangyari sa Zone 2, Barangay Cabatangan, Zamboanga City, nitong Lunes, Hulyo 8.
Isang PCG enlisted personnel na may ranggong Petty Officer Third Class (PO3) ang malubhang nasugatan, habang dalawang tauhan na may ranggong PO3 at Seaman First Class (SN1) ang nagtamo ng minor injuries.
Iniulat din na anim na biktima mula sa Philippine National Police (PNP) at tig-lima mula sa Bureau of Fire Protection (BFP) at Philippine Marines (PM) ang nasaktan –na nagdala ng kabuuang bilang na 19 biktima.
Naganap ang insidente sa pagtatapon ng mga nakumpiskang paputok sa Barangay Tetuan.
Binigyang-diin sa ulat ng PNP ang “premature detonation” na ikinasugat ng lima sa 19 na apektadong uniformed personnel na bahagi ng joint operation.
Agad namang dinala ang mga biktima sa mga kalapit na ospital para sa medikal na atensyon.
Patuloy pang sinusuri ng mga imbestigador ang kabuuang pinsala. Jocelyn Tabangcura-Domenden