MANILA, Philippines – Ipinababasura ng samahan ng mga manininda sa Commission on Elections (Comelec) ang petisyon na inihain laban sa kanila ng Kontra Daya.
Ngayong Lunes, Abril 21, personal na nagtungo ang mga kinatawan ng Vendors Samahan ng mga Maninindang Pilipino o Vendors’ Party-list kasama ang kanilang abogado na si Atty. Edward Gialogo para maghain ng kanilang tugon sa petition for disqualification na inihain laban sa kanila.
Sinabi ni Gialogo na bagamat wala pang kautusan ang Comelec ay sinagot na ng Samahan ng mga Vendor ang petisyon.
Giit ni Atty. Gialogo, wala silang nilabag at walang basehan ang petisyon kaya umaasa silang ibabasura ito kalaunan.
Sinabi rin ng abogado na dapat ay petition to cancel nomination at hindi disqualification ang inihain ng election watchdog sa pangunguna ng convenor na si Prof. Danilo Arao kung sa tingin aniya nila ay hindi kwalipikado ang ilang nominado.
Gayunman, ang petition to cancel nomination ay dapat sanang naihain sampung araw matapos ilabas ang listahan ng mga nominee ng party-list.
Iginiit ng Kontra Daya sa kanilang petisyon na hindi kabilang sa marginalized sector ang tatlong nominee at nais din nilang kanselahin ang registration upang hindi na maiproklama.
Una nang sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na hindi kailangang maging miyembro ng partikular na sektor ang isang nominado upang ito’y makapagrepresenta alinsunod na rin sa desisyon ng Korte Suprema. Jocelyn Tabangcura-Domenden