MANILA, Philippines – Ibinasura ng Korte Suprema ang petisyon na isinampa ng mga abogado na sina Jacinto Paras, Manuelito Luna, at Ferdinand Topacio na kumuwestiyon sa konstitusyonalidad ng Executive Order No. 94 na lumikha ng Independent Commission for Infrastructure.
Sa isang pahayag, sinabi ng Korte Suprema na ibinasura ang petisyon sa kanilang en banc session noong Pebrero 4, 2026.
Ayon sa desisyon na isinulat ni Associate Justice Samuel Gaerlan, nilabag ng petisyon ang doktrina ng hierarchy of courts dahil direktang isinampa ito sa Korte Suprema.
Ayon sa SC, bagamat pinapayagan ang direktang pagsusumite sa SC sa mga pambihirang kaso, nabigo ang petitioner na maglahad ng anumang makatuwirang dahilan upang lampasan ang mga mababang hukuman.
Dagdag pa rito, natuklasan ng SC na hindi napatunayan ng mga petitioner na may aktwal na kaso o kontrobersiya na umiiral, na nangangailangan ng paglabag sa isang legal na karapatan.
Ayon pa sa SC, hindi ipinakita ng petisyon na nalabag ang kanilang mga karapatan o naapektuhan sila ng EO 94. Jocelyn Tabangcura-Domenden