Home METRO PH businesses nalugi ng P10K-P30K sa blackout – ILAW

PH businesses nalugi ng P10K-P30K sa blackout – ILAW

Nanawagan sina ILAW National Convenor Agnes Garcia at Youth Convenor Francine Pradez sa pamahalaan na bumalangkas ng national energy roadmap na may malinaw na hangarin at pamamaraan upang malutas ang suliranin sa kawalan ng sapat na supply ng elektrisidad. Larawan kuha ni Cesar Morales

MANILA, Philippines- Nalugi ng mula P10,000 hanggang mahigit P30,000 kada araw ang karamihan sa mga negosyo sa tatlong lugar sa Pilipinas dahil sa madalas na blackout.

Ito ang napag-alaman sa pag-aaral ng energy organization na ILAW, na inilabas nito noong Hulyo 10, 2024 sa isang media conference sa lungsod ng Maynila na pinangunahan ni ILAW National Convenor, Agnes “Beng” Garcia at Youth Convenor Francine Pradez.

Sa paglulunsad ng pag-aaral na pinamagatang “Focus Group Discussion: Economic Impact of Blackouts on Businesses in Puerto Princesa City, Baguio City, and Tagum City,” tinalakay nina Garcia at Pradez ang epekto ng madalas na blackout sa pinansiyal na aspeto ng mga negosyo at hinaing ng mga negosyante. Binigyang-diin din ng nasabing organisasyon ang pangangailangan para sa pagbuo ng mga komprehensibong solusyon sa problema.

Inilatag ng pag-aaral ang pananaw ng sektor ng negosyo sa epekto ng mga blackout sa focus group discussions na ginawa sa Puerto Princesa City, Palawan, Baguio City, Benguet, and Tagum City. Kabilang sa mga lumahok ay mga micro-, small and medium-sized enterprises (MSMEs) at ilang malalaking negosyo.

Sinukat ng ILAW ang halaga ng lugi ng mga negosyo at kinategorya ito sa: small losses na hanggang P10,000 sa isang araw ng operasyon; medium losses na hanggang P30,000; large losses na hanggang P100,000; at very large losses na lampas P100,000 sa parehong period.

Nakita sa pag-aaral na lubhang naapektuhan sa mga brownout ang maliliit na negosyo sa mga nasabing lugar dahil sa kanilang pinansiyal na limitasyon at pagsandal sa mga lokal na customer, habang nagtamo ng malaking lugi at mataas na operational costs ang malalaking negosyo.

Sinabi naman ni Pradez na nagsisimula ang epekto ng krisis sa kuryente sa pagkalugi at humahantong sa serye ng problema para sa mga negosyo.

“Higit pa sa pagkalugi, nauuwi rin ito sa pagkawala ng hanapbuhay, pagbaba ng kalidad ng trabaho at serbisyo, pagkasira ng reputasyon sa kalidad ng produkto, at abala sa pang-araw-araw na aktibidad, at ang pinakamasakit, pagsasara ng negosyo,” ani Pradez.

Batay sa resulta ng pag-aaral, iginiit ng ILAW na kailangan ng mga pagkilos para masuportahan ang mga negosyo at ang lokal na ekonomiya. Kaya nanawagan ang energy consumer organization para sa tulong mula sa gobyerno, paghahanda, at pagpapalakas ng imprastraktura para mapagaan ang epekto ng blackout sa sektor ng negosyo.

Ayon kina Beng at Pradez, isinusulong ng ILAW ang pagpapaganda at pagpapalakas ng grid para masuportahan ang paglago ng mga negosyo sa bansa. Iginiit din ng grupo ang pagbalangkas ng national energy roadmap na may malinaw na hangarin at pamamaraan, at nakapaloob ang mga mungkahi ng iba’t ibang stakeholders. Kabilang din sa kanilang rekomendasyon ang pagsasagawa ng energy summit para matalakay ang mga istratehiya kung paano matutuldukan ang mga blackout. JAY Reyes