Home NATIONWIDE Kinatawan ng Porac POGO dapat harapin ni Roque sa pagnguso sa kanya...

Kinatawan ng Porac POGO dapat harapin ni Roque sa pagnguso sa kanya bilang legal head ng kompanya – PAOCC

MANILA, Philippines- Dapat harapin ni dating presidential spokesperson Harry Roque ang awtorisadong kinatawan ng sinalakay na kompanya ng POGO sa Porac, Pampanga matapos na sabihin nito na siya ang legal head ng kompanya sa organization chart nito.

Ito ang sinabi ni Philippine Amusement Gaming Corporation (PAGCOR) chairman at CEO Alejandro Tengco sa gitna ng pagtanggi ni Roque na siya ang legal counsel ng Lucky South 99 POGO firm.

Muli namang sinabi ni Tengco na nang muling mag-apply ang naturang kompanya ng POGO ng kanilang lisensya, nagsumite ito ng organizational chart kung saan nakalagay ang pangalan ni Roque bilang pinuno ng kanilang legal team.

“Noon pong nag-apply sila may sinubmit silang organization chart nakalagay po d’on, may box po don…’Legal, Harry Roque.’…Kung hindi niya nakita ‘yon at hindi niya in-authorize ‘yon eh hindi po siguro problema ng PAGCOR ‘yon dahil ‘yon po ay part of the submittals for the application of the renewal of license of that company,” ayon kay Tengco.

“Dapat po kay Secretary Roque ang i-confront niya si Cassandra Ong [at sabihin] ‘Bakit nilagay mo ang pangalan ko d’yan?'” ang sinabi pa rin ni Tengco.

Tinukoy ni Tengco si Cassandra Li Ong, awtorisadong kinatawan ng Lucky South 99 na aniya’y sinamahan ni Roque sa isang pulong noong Hulyo 26, 2023, para hilingin sa kanila na bigyan ng pagkakataon ang POGO firm na bayaran ang kanilang arrears para sa anim na buwan na nagkakahalaga ng S$500,000, na binayaran ng mga ito sa pamamagitan ni Dennis Cunanan, subalit hindi naman natanggap ng PAGCOR.

Bukod dito, kapwa hiniling nina Roque at Ong ang reapplication ng lisensya ng naturang kompanya ng POGO. Nakatakda na kasing mapaso ito noong Oktubre ng nakaraang taon.

Sinasabing hindi na public official si Roque nang mangyari ang pagpupulong.

Napaulat na anim na beses na nakipag-ugnayan si Roque kay PAGCOR Offshore Gaming Licensing Department head Jessa Fernandez para ifollow-up ang reapplication ng kompanya ng POGO.

Sinabi ni Fernandez na ‘denied’ ang license reapplication ng Lucky South 99 dahil natuklasan nila ang dahilan kung bakit hindi dapat pagkalooban ito.

Para kay Tengco, ang pakahulugan niya sa ginawa ni Roque ay “either helping or lawyering” para sa kompanya ng POGO.

“Sa pananaw ko po, talagang he’s most probably either helping or lawyering for them,” anito.

“Natural ko lang pong sasabihin na siya’y nakikiusap para doon sa kompanyang ‘yon. Ikaw ba ay tatawag, ikaw ba ay magpa-follow up, ikaw ba ay mangangamusta kung kamusta na ang application…kayo na po bahala ang mag-conclude,” dagdag na pahayag ni Tengco.

Sa kabilang dako, inulit ni Tengco na hindi siya pinresyur o kinulit ni Roque para pagkalooban ng lisensya ang Lucky South 99.

Samantala, itinanggi ni dating presidential spokesperson Harry Roque ang alegasyon na naging abogado siya na Philippine Offshore Gaming Operator na Lucky South 99.

Sinabi nito na humingi lamang siya ng rescheduling ng pagbabayad ng renta at principal ng kanyang kliyente na Whirlwind Corporation.

Paglilinaw din ni Roque, ang kanyang kliyente ay ang service provider ng Lucky South na may lisensya mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation.

Ito ang naging tugon ni Roque sa naging alegasyon ni Tengco noong dumalo siya sa Senate panel on women’s hearing kung saan nakaladkad ang pangalan na siyang nag-aabogado umano sa mga ilegal na POGO. Kris Jose