Home NATIONWIDE PH, China nag-usap sa maritime issues, bilateral ties

PH, China nag-usap sa maritime issues, bilateral ties

1
0

MANILA, Philippines — Tinalakay ng Pilipinas at China ang kanilang bilateral relations at maritime issues sa isang “frank and constructive” na pag-uusap sa telepono, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).

Sinabi ni DFA Secretary Ma. Theresa Lazaro na nakausap niya nitong Martes, Nobyembre 3, si Chinese Foreign Minister Wang Yi kung saan kapwa binigyang-diin ang kahalagahan ng patuloy na diplomatic dialogue at maayos na pamamahala sa mga hindi pagkakaunawaan.

Ayon kay Lazaro, dapat nakabatay sa mutual respect ang pagharap ng dalawang bansa sa kanilang mga pagkakaiba.

Sa hiwalay na pahayag ng Chinese Foreign Ministry, sinabi ni Wang na nahaharap umano sa “malicious interference” ang relasyon ng Pilipinas at China.

Inakusahan din niya ang ilang politiko sa Pilipinas ng pag-atake sa China, pamumulitika sa normal na ugnayan ng dalawang bansa at pagtawid umano sa “red lines” ng Beijing.

Hinimok ni Wang ang Pilipinas na maging maingat sa mga pahayag at hakbang kaugnay ng maritime issues.

Ayon naman sa Chinese Foreign Ministry, binigyang-diin ni Lazaro na pinahahalagahan ng Pilipinas ang relasyon nito sa China at nais nitong mapanatiling matatag at predictable ang ugnayan ng dalawang bansa.

Sinabi rin umano ni Lazaro na nananatili ang Pilipinas sa one-China policy at handang tugunan ang maritime issues sa pamamagitan ng dialogue at consultation.

Ayon sa China, nagkaroon ang dalawang panig ng “basic consensus” na ipagpatuloy ang diplomatic dialogue at responsableng pamahalaan ang kanilang mga hindi pagkakaunawaan.

Napag-usapan din ng dalawang opisyal ang nalalapit na East Asia Cooperation Leaders’ Meeting sa Pilipinas at ang APEC leaders’ meeting sa Shenzhen. Dave Medina

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here