Home LIFESTYLE HEALTH PH, di itinuturing ‘high risk’ sa Ebola outbreak — eksperto

PH, di itinuturing ‘high risk’ sa Ebola outbreak — eksperto

65
0

MANILA, Philippines – Ayon sa isang infectious disease expert nitong Martes, hindi itinuturing na “high-risk” ang Pilipinas sa posibleng Ebola outbreak kasunod ng deklarasyon ng World Health Organization (WHO) ng public health emergency sa dalawang bansa sa Africa.

Sinabi ni infectious disease expert Rontgene Solante, na magiging high-risk lamang ang bansa kung may makapasok na indibidwal mula sa mga apektadong lugar na may sintomas at impeksyon.

“Ang Pilipinas, sa tingin ko ay hindi high-risk for this. Kasi magiging high risk lang tayo kung mayroong makapasok dito na galing doon at may mga sintomas at may impeksyon,” ayon kay Solante.

Idinagdag niya na may mga hakbang na ginagawa ang Department of Health (DOH) sa border control, kabilang ang pagsusuri ng lagnat, sintomas, at pinanggalingang bansa ng mga pumapasok sa bansa.

Ayon sa WHO, ang Ebola outbreak sa Democratic Republic of Congo at Uganda ay idineklara bilang public health emergency of international concern matapos ang humigit-kumulang 80 na pinaghihinalaang nasawi. Gayunman, hindi ito umabot sa antas ng pandemic emergency, ngunit mas mataas ang risk sa mga bansang kalapit ng DRC.

Una nang tiniyak ng DOH na walang dapat ikabahala at paiigtingin pa nito ang border surveillance.

Ayon pa kay Solante, kaya ng Pilipinas na pamahalaan ang sitwasyon dahil sa mga natutunang leksyon mula sa COVID-19 pandemic at iba pang outbreaks.

“For me, handa naman siguro tayo kasi nalampasan na natin yung COVID, nalampasan na natin yung iba’t ibang outbreak. Marami na tayong lessons na natutunan doon,” ani Solante.

“Yung mga ganitong outbreak, malaking bagay yung natutunan natin at kailangan lang natin i-reinforce ulit,” dagdag niya.

Ang Ebola ay isang malubha at kadalasang nakamamatay na sakit na dulot ng Orthoebolavirus. Kabilang sa mga maagang sintomas nito ang lagnat, pagkapagod, pananakit ng katawan, sakit ng ulo, at panghihina, na maaaring lumala hanggang sa pagsusuka, pagtatae, at pagkasira ng atay at bato. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here