Home NATIONWIDE PH, Japan pipirma ng reciprocal military access deal sa Hulyo

PH, Japan pipirma ng reciprocal military access deal sa Hulyo

MANILA, Philippines – Isasapinal na sa Hulyo ang reciprocal access agreement na magbibigay-daan sa Philippine Armed Forces at Japanese Self-Defense Force na kapwa magsanay sa kani-kanilang teritoryo.

Sa panayam nitong Sabado, Mayo 25, sinabi ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na ang Reciprocal Access Agreement (RAA) sa pagitan ng dalawang bansa ay pipirmahan kasabay ng bilateral security meeting sa Manila.

“It will allow your maritime forces… land and your air forces to train with us in different environments [from what] you are used to,” dagdag ni Teodoro.

Ang papalapit na pagpupulong sa Hulyo ay dadaluhan nina Japan Defense Minister Minoro Kihara, Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo, at Japan Foreign Minister Yoko Kamikawa.

Sinabi rin ni Teodoro na ikokonsidera ng Pilipinas at Japan ang usapin kaugnay sa military intelligence-sharing accord na tinatawag na General Security of Military Information Agreement, kung saan nakikipag-usap din tungkol dito ang Pilipinas sa Estados Unidos.

Matatandaan na nagkasundo sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Japanese Prime Minister Fumio Kishida na simulan ang negosasyon sa RAA noong Nobyembre sa pagbisita ni Kishida sa Pilipinas.

Ito ang magiging kauna-unahang RAA ng Japan sa Southeast Asia.

Sa oras na maratipikahan ang reciprocal access deal sa pagitan ng dalawang bansa, makakapagpartisipa na ang Japanese defense troops sa annual joint Philippine-US Balikatan military exercise. RNT/JGC