Home NATIONWIDE Biyahe ng mga sasakyang pandagat sa Southern Tagalog, suspendido

Biyahe ng mga sasakyang pandagat sa Southern Tagalog, suspendido

MANILA, Philippines – Pansamantalang suspendido ang biyahe ng lahat ng uri ng sasakyang pandagat na naglalayag sa mga ruta na apektado ng tropical cyclone wind signal (TCWS) dahil sa bagyong Aghon sa Southern Tagalog.

Sa inilabas na abiso ngayong araw, Mayo 26 ng Philippine Coast Guard (PCG), ito ay kaugnay sa inilabas na Tropical Cyclone Bulletin No. 16 ng PAGASA .

Ayon sa PCG, ang pagsuspinde sa lahat ng mga vessels at watercrafts sa mga ruta sa kani-kanilang mga lugar ay dahil sa posibleng epekto ng masamang panahon alinsunod sa HPCG Memorandum Circular 02-23 o ang “Revised Guidelines on the movement of Vessels during Heavy Weather” na may petsang March 23, 2023.

Kabilang sa mga lugar na isinailalim sa Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 2 ay ang Northern Quezon at Southern Quezon.

Habang apektado naman ng Tropical Cyclone Wins Signal 1 (TCWS) ang Batangas, Marinduque, at Oriental Mindoro.

Bukod dito, ang paglalayag ay maaaring pahintulutan sa Main Supply Routes at Special areas sa ilalim ng kondisyong itinakda ng NHQ-PCG MC 02-23, gaya ng napatunayan ng istasyong ito, ayon sa Coast Guard Southern Tagalog.

Lahat din ng sasakyang-dagat ay pinaalalahanan na magsagawa ng precautionary measures at maging mas mapagmatyag sa paggalaw ng bagyo kung ituturing na maaapektuhan ng nasabing weather disturbance.

Magpapatuloy ang paglalayag ng sasakyang pandagat hanggang sa karagdagang abiso at sa pagbuti ng lagay ng panahon at dagat. Jocelyn Tabangcura-Domenden