Home NATIONWIDE PH, Japan pumirma ng loan agreement sa MRT-3 rehab

PH, Japan pumirma ng loan agreement sa MRT-3 rehab

179
0

MANILA, Philippines – Upang matiyak ang maayos na operasyon ng MRT-3 at mapagaan ang pang-araw-araw na pag-commute ng mga pasahero, nilagdaan ng Pilipinas sa Japan ang isang kasunduan nitong Miyerkules, Pebrero 4.

Ayon kay DOTr Secretary Giovanni “Banoy” Lopez, ang kasunduan sa pautang para sa rehabilitasyon ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) ay layon na magbigay ng mas magandang karanasan sa pag-commute na nagbibigay-halaga sa oras at kaligtasan ng bawat pasahero, lalo na ang mga senior citizen at persons with disabilities.

Kasama sa paglagda ng dokumento sina Foreign Affairs Sec. Ma. Theresa Lazaro at Japanese Ambassador to the Philippines Endo Kazuya.

Dagdag pa ni Lopez, kapag naging mas mabilis at ligtas ang pag-commute, maibabalik ng mga pasahero ang mahalagang oras na maaari nilang gugulin kasama ang kanilang pamilya at mahal sa buhay.

Nagpasalamat din si Lopez sa pamahalaan ng Japan, na sinabing ang kasunduan ay nagpapakita ng matibay at maaasahang ugnayan ng dalawang bansa.

Samantala, binigyang-diin ni Lazaro na mahalaga ang papel ng MRT-3 sa pang-araw-araw na buhay ng mga commuter.

Ipinangako naman ni Ambassador Kazuya na patuloy na susuportahan ng pamahalaan ng Japan ang pagpapabuti ng railway system ng Pilipinas, na magpapaganda sa buhay ng mga karaniwang mamamayan.

Ang rehabilitasyon ng MRT-3 ay naglalayong ibalik ito sa orihinal nitong disenyo upang mapagaan ang karanasan ng mga commuter sa Metro Manila.

Pinapayagan ng kasunduan ang Pilipinas na umutang ng hanggang JPY21.6 bilyon (o P8.15 bilyon) para sa proyekto, na may interest rate na 0.8% bawat taon, babayaran sa loob ng 40 taon na may 10-taong grace period. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here