MANILA, Philippines – Pormal nang niratipika ng Senado ang pinal na bersiyon panukalang Philippine Maritime Zones bill matapos isalang ang committee report hinggil sa disagreeing provision sa Mababang Kapulungan.
Inisponsor ni Senate Majority Leader Francis Tolentino ang bicameral conference committee report na nagtatakda ng pagsasanib ng artikulo na may kinalaman sa panloob na karagatan, kabilang ang archipelagic waters.
“This was already agreed upon by both chambers that it will be fused as one. And this would jive likewise with the Magallona v. Executive Secretary Supreme Court case, Mr. President,” ayon kay Tolentino sa kanyang sponsorship speech.
“I think we have now a clearer bill with the forthcoming approval of the Archipelagic Sea Lanes law, this would be as clear as day,” dagdag niya.
Inaprubahan ang bicameral conference committee report noong July 17.
Sinabi ni Tolentino na nililinaw ng batas ang karapatan ng bansa sa ating teritoryo.
Naunang isinulong ng ilang ahensiya ng pamahalaan ang pagsasabatas ng panukal, kabilang na ang Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Energy (DOE).
Nasa Palasyo na ang maritime zones bill ay naghihintay na lamang ng lagda ng Pangulo upang maging ganap na batas.
Sa panahon ni dating Pangulong Noynoy Aquino, nagdesisyon ang arbitration court sa The Hague noong July 2016 na sakop ng Philippines’ EEZ ang West Philippine Sea na may layong 200 nautical miles sa territorial sea.
Ideneklara din ng The Hague na pag-aari ng Pilipinas ang Panganiban (Mischief) Reef, Ayungin (Second Thomas) Shoal at Recto (Reed) Bank na nasa loob ng EEZ ng bansa, alinsunod sa itinakda ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Ibinasura naman ng The Hague ang expansive claim ng China na sinasakop ang kabuuan ng South China Sea at kinastigo ang panghihimasok nito sa teritoryo ng Pilipinas at naitakda ang Scarborough shoal bilang a common fishing ground. RNT