Home NATIONWIDE PhilHealth: Badyet sa Christmas party wala pang P2M

PhilHealth: Badyet sa Christmas party wala pang P2M

MANILA, Philippines- Sinabi ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) nitong Martes na umayon ito sa panawagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na bawasan ang pagdiriwang ng holiday, at naglaan ng humigit-kumulang P2 milyong badyet para sa taong ito.

Ayon kay Dr. Israel Francis Pargas, PhilHealth Senior Vice President for Health Finance Policy Sector, nakatakdang isagawa ng PhilHealth ang mga aktibidad sa pagtatapos ng taon nito sa Miyerkules, Disyembre 18, na dadaluhan ng mahigit 1,000 empleyado.

Sinabi ni Pargas na ang inilaaang badget ay para sa pagkain na lamang at para sa tinatawag na year end activity.

Nauna nang sinabi ng Pangulo sa mga ahensya ng gobyerno na gawing simple ang pagdiriwang ng Pasko ngayong taon bilang pakikiisa sa mga biktima ng kamakailang tropical cyclones.

Inihayag din ng Pangulo na ang mga tanggapan ng gobyerno ay hinihimok din na mag-donate ng anumang matitipid mula sa pinaliit na pagdiriwang ng Kapaskuhan para sa mga komunidad na tinamaan ng kalamidad.

Nauna nang itinanggi ng PhilHealth na naglaan ito ng halos P138 milyon para sa kanilang Christmas party, at sinabing ang budget ay para sa buong taon nito, sa buong bansa na paggunita sa ika-30 anibersaryo nito noong 2025.

Binigyang-diin ni Pargas na ang halaga ay panukala lamang at hindi pa naaprubahan. Jocelyn Tabangcura-Domenden