NAGBAYAD ang PhilHealth ng kabuuang P137.6 bilyon sa mahigit 12,000 accredited health care facilities nito sa buong bansa mula Enero 1 hanggang Oktubre 31, 2024 sa bilis na 25 araw.
Ang nasabing bayad ay P37.6 bilyon o 37.7 porsiyentong mas mataas kumpara sa P99.9 bilyon sa kaparehong panahon noong nakaraang taon. Sa ngayon, nasa 25 araw processing time, mas mabilis ng 35 na araw kumpara sa 60 araw na itinakda sa Republic Act No. 10606.
“Ang tuloy-tuloy na pagbabayad at mabilis na pagproseso ng claims ay bahagi ng aming pangako ng mahusay na suporta sa aming health care partners. Malaking tulong ito para mapanatili ang suplay ng mga gamot, mapasahod ang mga health worker, at patuloy na mapagbuti ang mga pasilidad,” paliwanag ni PhilHealth President at CEO Emmanuel R. Ledesma, Jr.
Kinilala naman ng mga malalaking organisasyon gaya ng Philippine Hospital Association (PHA) at Private Hospital Association of the Philippines, Inc. (PHAPi) ang pagbabagong ito sa PhilHealth. Ayon kay PHA President Dr. Jose P. Santiago, Jr., “Marami nang pagbabago sa mga nakaraang buwan tungkol sa pagbabayad ng PhilHealth sa mga ospital. Personal silang bumibisita sa mga ospital sa iba’t ibang rehiyon para mag-reconcile at alamin ang mga problema. Dahil dito, nababawasan na ang negatibong issues at nagkakaroon kami ng magandang relasyon. Ramdam na namin ang pagbabago.”
“Sa nakalipas na ilang buwan, nakita namin ang makabuluhang pagbuti sa pagproseso ng claims. Pinatutunayan at kinikilala ng mga ospital ang positibong pagbabagong ito,” pahayag naman ni PHAPi President Dr. Jose Rene De Grano sa inisyatibong ito ng ahensiya.
Kasalukuyang tinitingnan ng PhilHealth ang posibilidad na gamitin ang Artificial Intelligence (AI) para lalong pabilisin pa ang pagproseso ng claims. Ayon kay Ledesma, katatapos lang ng kanilang pag-aaral sa posibleng maitutulong ng AI sa bahaging ito ng kanilang operasyon. “Naniniwala kami na sa suporta ng aming mga healthcare partner, ito ay malapit ng maganap”.