MANILA, Philippines – Nilinaw ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) na ang patuloy na lava effusion sa Mayon Volcano ay hindi nangangahulugan ng paglala ng aktibidad ng bulkan.
Ayon kay Phivolcs Director Teresito Bacolcol, ang mga pagguho ng lava ay normal na bunga ng hindi matatag na naipong lava at hindi agad indikasyon ng mas malakas na pagputok.
Sinabi rin niya na hindi ito senyales ng mas malalang magmatic unrest kundi bahagi lamang ng tuloy-tuloy na effusive activity ng bulkan.
Gayunman, binigyang babala ng Phivolcs na ang pagdaloy at pagguho ng lava ay maaaring magdulot ng pagkapuno ng mga gullies ng volcanic materials, na posibleng magresulta sa paulit-ulit na pyroclastic density currents (PDCs), rockfalls, at pag-abot ng debris sa mas mababang bahagi.
Ayon sa ahensya, ang tuloy-tuloy na aktibidad ay maaaring magdulot ng mas madalas na PDCs at paglawak ng lava flows, ngunit ito ay bahagi lamang ng patuloy na aktibidad na nagsimula pa noong Enero 6.
Nananatili ang Alert Level 3 sa Mayon, kaya mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa 6-kilometrong Permanent Danger Zone dahil sa banta ng biglaang PDCs at mapanganib na pagdaloy ng materyales ng bulkan. RNT/MND