MANILA, Philippines — Hindi dapat maliitin ng mga residente na nakatira malapit sa Kanlaon Volcano na sumasaklaw sa Negros Oriental at Negros Occidental ang ashfall kahit pa ito ay tila banayad lamang, ayon sa pinuno ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) nitong Martes.
Naitala ng Phivolcs ang ash emissions mula sa summit crater ng Kanlaon bandang 5:32 a.m. at 6:01 a.m. noong Mayo 5, 2026, na nagbunga ng kulay-abong usok na umabot hanggang 800 metro mula sa bunganga ng bulkan.
Sa isang panayam, sinabi ni Phivolcs Director Teresito Bacolcol na bahagi ng kasalukuyang unrest ng bulkan ang ash emission, ngunit binigyang-diin na hindi dapat ipagwalang-bahala ang ashfall.
“Wear a mask. Cover the food and drinking water. Wet the ash deposit before cleaning to prevent it from being airborne again,” aniya.
Muli ring ipinaalala ni Bacolcol sa publiko na umiwas sa apat na kilometrong permanent danger zone at sundin ang mga abiso ng lokal na pamahalaan.
Ayon sa kanya, maaaring mangyari ang ash emission at ashfall sa lahat ng aktibong bulkan, depende sa antas ng aktibidad nito. Binanggit niya ang Mayon Volcano sa Albay na maaaring maglabas ng abo sa panahon ng lava flow o pagbagsak ng lava dome, tulad ng nangyari noong Mayo 2.
Dagdag pa niya, ang abo sa Mayon at Kanlaon ay maaari ring mabuo dahil sa degassing at explosive eruptions. Santi Celario