Home NATIONWIDE PHLPost binati ng BOC sa pagkamit ng Gold Certification sa Postal Security

PHLPost binati ng BOC sa pagkamit ng Gold Certification sa Postal Security

1
0

MANILA, Philippines — Binati ng Bureau of Customs (BOC) ang Philippine Postal Corporation (PHLPost) matapos nitong makamit ang Gold Certification in Postal Security mula sa Universal Postal Union (UPU), ang pinakamataas na antas ng pagkilala sa pagsunod sa pandaigdigang pamantayan sa seguridad ng serbisyo sa koreo.

Ayon kay BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno, malaking tagumpay ang pagkamit ng sertipikasyon na nagpapakita ng patuloy na pagsisikap ng PHLPost na palakasin ang seguridad sa koreo at mapahusay ang pagiging maaasahan ng international mail services.

Nagpasalamat din si Nepomuceno sa pagkakataong nakatulong ang BOC, partikular ang NAIA Central Mail Exchange Center (CMEC), sa pagkamit ng Gold Certification ng PHLPost.

Samantala, kinilala mismo ng PHLPost ang naging ambag ng BOC-NAIA CMEC sa pagpapahusay ng customs performance at pagpapatibay ng seguridad sa daloy ng mga international mail.

Sa liham ng commendation, sinabi ni PHLPost Acting Postmaster General at Chief Executive Officer Maximo C. Sta. Maria III na mula sa 17% hanggang 34% lamang na customs performance dalawang taon na ang nakararaan, umakyat ito sa 78% dahil sa tuloy-tuloy na pagtutulungan, technical support at koordinasyon sa pagitan ng dalawang ahensya.

Ayon kay Sta. Maria, naging isa sa mga konsiderasyon ng UPU ang malaking pag-unlad na ito sa pagkakaloob ng Gold Certification in Postal Security sa PHLPost.

Pinuri rin ng opisyal ang propesyonalismo at dedikasyon ng BOC NAIA-CMEC team, na aniya’y nakatulong hindi lamang sa pagpapataas ng antas ng seguridad ng postal service ng bansa kundi maging sa pagpigil sa iligal na kalakalan at pagprotekta sa mga hangganan ng Pilipinas.

Ipinakita ng pagkilala ang matibay na partnership ng BOC at PHLPost sa pagpapalakas ng postal security, customs compliance at proteksyon sa integridad ng international mail stream.

Kaugnay ng adhikain ng administrasyong Marcos para sa Bagong Pilipinas, sinabi ng BOC na patuloy itong makikipagtulungan sa PHLPost upang maisulong ang mas ligtas, episyente at pandaigdigang pamantayan sa operasyon ng koreo para sa kapakinabangan ng mga Pilipino. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here