MANILA, Philippines- Naglabas ng babala ang Philippine Postal Corporation (PHLPost) sa publiko laban sa mga mapanlinlang na mensahe na kumakalat online na maling ginagamit ang pangalan at logo nito, gayundin ang iba pang delivery services upang mang-scam ng mga indibidwal.
Ayon sa PHLPost, ang mga mapanlinlang na mensaheng ito ay idinisenyo upang linlangin ang mga tatanggap sa pag-click sa mga malisyosong link sa pamamagitan ng pagsasabi na ang isang parcel ay hindi maihatid dahil sa isang maling address.
Pagkatapos ay hihilingin sa mga biktima na i-update ang kanilang mga detalye ng address at magbayad ng P17.05 sa pamamagitan ng isang pekeng website na hindi kaakibat sa PHLPost.
Binigyang -diin ni Posmater General Luis Carlos na ang PHLPost ay hindi nagpapadala ng text messages, emails o online notices na humihiling ng bayad o address updates para sa hindi nai-deliver na parcel.
Hinimok din ni Carlos ang publiko na huwag pansinin ang anumang mensahe at iwasang mag-click ng anumang links o magbigay ng personal o financial information. Jocelyn Tabangcura-Domenden