MANILA, Philippines – “No Show” sa kauna-unahang Preliminary Investigation (PI) ng Department of Justice (DOJ) ang bussiness tycoon na si Charlie “Atong” Ang na siyang itinuturong mastermind sa mga missing sabungeros.
Tanging ang abogado lamang ni Atong Ang ang namataan sa loob ng session hall sa pangunguna ni Atty. Lorna Kapunan na tumayong abogado rin ng ilang anak ng gambling icon na dawit din umano sa kaso.
Sumipot naman ang aktres na si Gretchen Barreto na itinuturong “Reyna ng Sabong” na nagpahupa muna ng posibleng tensyon sa pagitan ng mga kaanak ng mga nawawalang sabungero bago ito bumaba sa kanyang sasakyan.
Ayon sa legal counsel ng aktres na si Atty. Alma Mallonga, personal na sumipot ang kanyang kliyente dahil ito ay kailangan.
Aniya, nakapaghain na rin si Greta ng kanyang counter affidavit kung saan itinanggi nila ang alegasyon.
Hiniling din nito sa prosekyusyon na ibasura na ang reklamo dahil sa kawalan ng ebidensya.
Giit ni Atty. Mallonga, ang akusasyon o alegasyon ay hindi maituturing na ebidensya.
Dumating din sa PI ang mga kaanak at pamilya ng mga biktima na pursigidong ituloy ang kaso sa kabila ng kaliwa’t kanang panunuhol ng mga galamay ni Atong Ang.
Alas 10 ng umaga nang simulan ang PI kung saan dumalo ang panel of prosecutors na gumisa sa mga akusado.
Dumating din ang mga pulis na sangkot sa pangunguna ni P/Col Jonnel Estomo at ang whistleblower na si Julie Patidongan alyas Totoy at kapatid nitong si Elakim na pawang nagsumite ng kanilang counter affidavit.
September 9 nang simulan ng DOJ ang pagpapadala ng subpoena sa mga sangkot sa krimen.
Kasama sa mga pinadalhan sina Atong Ang, Gretchen, Estomo, 18 pulis, si Patidongan at kapatid na si Elakim.
Layunin ng subpoena na padaluhin sila sa sunud-sunod na preliminary investigation ng DOJ para makapaghain ng counter affidavit na nagpapasinungaling sa mga reklamong multiple murder, kidnapping with serious illegal detention at iba pa na inihain ng mga kaanak ng mga sabungero. Jocelyn Tabangcura-Domenden